Balita

Earth Day, ginunita ng mga progresibong organisasyon

,

Naglunsad ng iba’t ibang aktibidad ang mga progresibong organisasyon noong Abril 22 upang gunitain ang Earth Day at ipanawagan ang pagtatanggol sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.

Sa pangunguna ng Kalikasan People’s Network for Environment (Kalikasan PNE), daan-daang tagapagtanggol sa kalikasan, maralitang-lunsod at kabataan ang nagtipon sa Mendiola upang tutulan ang tumitinding pandarambong, pasismo at pagkasira ng kalikasan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Sinimulan nila ang kanilang protesta sa pagdadasal at pagpupugay kay Pope Francis na tinawag nilang “tagapagtanggol ng kalikasan at ng mga inaapi.” Anila, inspirasyon ang kanyang legasiya ng pakikipag-kapwa sa mahihirap at pananawagan ng hustisya sa kalikasan.

Tinuligsa rin nila ang nagpapatuloy na Balikatan war games sa bansa na malinaw na pagpapakita ng pagkapapet ni Marcos Jr. at buung-buong pagsuko niya ng soberanya at mga likas na yaman ng Pilipinas sa imperyalismong US.

Nagsama-sama naman ang mga mangingisda at taong simbahan sa isang fluvial parade at misa sa Malolos Bulacan bilang pagdiriwang ng Earth Day 2025. Panawagan nila ang pagtigil sa pagtatayo ng reklamasyon ng San Miguel Corporation para itayo ang New Manila International Airport (NMIA). Bukod sa pagkasira ng yamang dagat, inilantad din ng mga Bulakenyo ang patuloy ng panggigipit sa mga mangingisda.

Ayon sa Pagkakaisa ng Mangingisda at Mamamayan sa Manila Bay, “pinakikitid ng reclamation projects ang lugar pangingisdaan dahil sa ginagawang panggigipit ng SMC sa mangingisda, kung saan pinagbabawalan, hinuhuli at pinaparusahan ang bawat mangingisda na manghihimasok sa palaisdaan na nabili na ng korporasyon.”

Sa parehong araw, naglunsad ng Fluvial Protest ang mahigit 200 mangingisda, magsasaka at maralita mula sa Cavite, Rizal at Mindoro sa Bacoor, Cavite bilang pakikiisa sa Earth Day. Nagsilbi rin itong pambungad na aktibidad sa paglulunsad ng Alyansa Kontra Kumbersyon at Demolisyon-Timog Katagalugan (AKKD-TK). Tinututulan nila ang nagpapatuloy na operasyong dredging at reklamasyon sa Manila Bay.

Anila, sinisira ng mga ito ang kalikasan at kabuhayan ng mga mamamayan sa rehiyon ng Timog Katagalugan at proteksyon para sa mga lokal na komunidad, partikular sa mga mangingisda. Sumama sa fluvial protest ang mga kandidatong senador mula sa Koalisyong Makabayan na sina Mimi Doringo, Ronnel Arambullo, Alyn Andamo, pati na rin ang mga nominado ng partylist na sina Miriam Villanueva (Gabriela Women’s Partylist) at Kej Andres (Kabataan Partylist).

AB: Earth Day, ginunita ng mga progresibong organisasyon