Epekto ng oil spill sa Mindoro, iniinda pa rin, isang taon paglipas

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Iniinda pa rin ng mga komunidad ng mangingisda sa Mindoro at Batangas ang epekto ng oil spill (pagtapon ng langis sa karagatan) ng barkong kinontrata ng San Miguel Corporation (SMC), isang taon mula nang maganap ang sakuna noong Pebrero 28, 2023. Sa isang pag-aaral na isinapubliko ng Center for Energy, Ecology and Development (CEED) nitong Pebrero 26, umabot sa ₱41.5 bilyon ang halaga ng pinsalang dulot ng oil spill, kung saan ₱40.1 bilyon ang halagang sinira sa kapiligaran at ₱1.1 bilyon sa kabuhayan ng mamamamayan. Ang tayang ito ay 800% na mas malaki kumpara sa mga inilabas na taya ng reaksyunaryong gubyerno.

Ang naturang barko, na pagmamay-ari ng RDC Reield Marine Services, ay kinontra ng SL Harbor Bulk Terminal Corporation, isang subsidyaryo ng San Miguel Shipping and Lighterage Corporation. Ang 900,000 litrong industrial fuel oil na tumagas mula rito ay nakakontrata para sa Petron.

Ni minsan ay hindi pinanagutan ng SMC, at pinuno nitong si Ramon Ang ang laki ng pinsalang idinulot ng operasyon nito. Sa halip, nagpakitang-tao lamang ang SMC at si Ang na isang beses namahagi ng ayuda, at hanggang ngayon ay tumatangging may kinalaman ang kumpanya sa oil spill.

Ayon sa pag-aaral ng CEED, bumagsak ang kita ng mga mangingisda laluna mula Hulyo hanggang Nobyembre, matapos tanggalin ang fishing ban na ipinataw dahil sa oil spill. Anito, hanggang sangkatlo na lamang sa dating huli ang naiiuwi ng mga mangingisda. Ito ay dahil mataas pa rin ang antas ng langis at grasa sa dagat, kahit isang taon na ang nakalipas at sa kabila ng pagtatangka ng estado na linisin ito.

Samantala, umabot sa Verde Island Passage (VIP) ang langis at nagdulot ng pinsala sa ekosistema rito. Sa taya ng mga syentista, apektado nito ang 20,000 ektarya ng bahura (coraf reefs), 9,900 ektarya ng mga bakawan (mangrove) at 6,000 ektarya ng seagrass sa apat na prubinsya. Labas sa VIP, inabot ng tagas ang Caluya Island sa Antique kung saan 16,400 ng langis ang napadpad sa limang kilometrong baybay.

Dahil sa lala ng tagas, nagdeklara ng state of calamity ang 15 syudad at bayan noong nakaraang taon. Umabot sa 200,000 ang naiulat na apektado ng kalamidad.

AB: Epekto ng oil spill sa Mindoro, iniinda pa rin, isang taon paglipas