Balita

Epekto ng pagsadsad dredging vessel sa Cagayan, ramdam pa rin ng mga mangingisda

,

Patuloy na pinahihirapan ang mga mangingisda ng perwisyong idinulot ng pagsadsad ng dredging vessel sa katubigan ng Appari, Cagayan kahit noon pang 2023 naganap ang insidente. Ayon sa mga mangingisda, mayroon nang hindi maipananauling pagkasira sa marine ecosystem at yamang dagat dahil dito.

Sa konsultasyon ng Pambansang Lakas ng Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa mga mangingisda, napag-alaman ng grupo na tuluy-tuloy ang pagliit ng huli ng isda mula noong sumadsad ang sasakyang-dagat. Mula sa dating ₱7,000 kada pagpalaot, umabot ito ng hanggang ₱900 noong kasagsagan ng dredging, at ₱3,000-₱4,000 sa kasalukuyan.

Noong 2024, naunang ibinahagi ng mga mangingisda na ang dredging ay lumilikha ng ingay at labis na liwanag, at nagtatapon ng mga kemikal na gumagambala sa ekosistema na sanhi ng pagbagsak ng bilang ng mga isda at aramang (maliliit na hipon) na pangunahing pinagkukunan ng kanilang kabuhayan.

“Bagama’t tapos na ang operasyon ng dredging sa Cagayan river, iniinda pa rin ng mga mangingisda ang pinsalang dinulot nito sa pangisdaan at kabuhayan,” ayon kay Salvador France, pangkalahatang kalihim ng Pamalakaya.

Dagdag niya, kinakailangan pa rin na mayroong mapanagot sa paghina ng kabuhayan ng mga mangingisda. Dapat umanong pagbayarin ng kompensasyon ang kumpanyang nagsagawa ng mapanirang dredging. Sa Aparri lamang, tinatayang apektado ang kabuhayan ng 11,000 mamalakaya.

Sa tabing ng mga operasyong dredging, ibinahagi ng mga mangingisda na inilulusot ang iligal na pagmimina ng black sand na sinasamantala at dinadala sa China.

Sa harap ng malawakang pinsala, nanawagan ang Pamalakaya ng isang imbestigasyon sa pinsalang dulot ng dredging, pagsisiwalat sa mga kasunduang pinasok ng lokal na gubyerno at ng dating rehimeng Duterte kaugnay nito, at kagyat na mga hakbang para sa rehabilitasyon sa apektadong mga erya.

AB: Epekto ng pagsadsad dredging vessel sa Cagayan, ramdam pa rin ng mga mangingisda