Epekto ng 'sigwada' sa Zambales, iginiit ng mga mangingisda na paghandaan ng gubyerno

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nangangamba ang mga mangingisda sa Zambales sa posibleng taggutom na danasin nila at kanilang mga pamilya sa darating na mga buwan sa panahon ng sigwada o napakalalakas na mga alon at malakas na hangin mula katapusan ng Mayo hanggang Agosto. Giit nila, patitindihin ito ng kriminal na kapabayaan ng estado at kawalang suporta sa sektor. Ang panahon ng sigwada ay dulot ng pagpasok ng Northeast monsoon o Amihan sa bansa.

“Buwis-buhay ang pumalaot sa panahon ng sigwada. Masuwerte nang makapalaot ng isang beses sa isang linggo dahil sa panganib na hatid ng malalakas na hampas ng alon, hangin, at pag-ulan,” pahayag ni Joey Marabe, koordineytor ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya) sa Zambales.

Aniya, labis ang dinanas nilang gutom at kahirapan noong nakaraang taon dahil pinabayaan sila ng gubyerno na walang kabuhayan at walang natanggap na suporta. “Bagama’t wala namang may kagustuhan ng kalamidad na ito, nagiging kriminal na kapabayaan kung walang gagawin ang pamahalaan sa panahon ng nasabing sakuna,” giit niya.

Dismayado sila dahil mayroong taunang isang bilyong pondo para sa Quick Response Fund ang Department of Agriculture, ngunit walang napakikinabangan ang mga mangingisda dito.

“Nagsisimula na kaming magsagawa ng mga konsultasyon sa mga komunidad ng mangingisda na layuning maigiit ang suportang pang-ekonomya at pangkabuhayan na karapat-dapat lamang nilang matanggap,” pahayag ni Ronnel Arambulo, pambansang ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya.

Aniya, hindi lamang sa Zambales kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng bansa inaasahang sasalanta ang sigwada. Dapat umanong igiit sa rehimen na maging maagap at kongkreto ang paghahanda sa paparating na kalamidad.

Ang sektor ng mga mangingisda ay kabilang sa pinakamahihirap sa bansa batay sa konserbatibong datos ng Philippine Statistics Authority noong 2021.

AB: Epekto ng 'sigwada' sa Zambales, iginiit ng mga mangingisda na paghandaan ng gubyerno