Estadistika ng DAR kaugnay sa repormang agraryo, mapanlinlang
Mapanlinlang ang inilabas ng Department of Agrarian Reform na mga “nagawa” nito sa programa ng pamamahagi ng lupa. Sa ulat ng kagawaran, nakapamahagi diumano ito ng 229,545 ektarya ng mga lupang agrikultural sa 186,290 benepisyaryo. Sa ilalim ng proyektong SPLIT ng World Bank, 132,393 indibidwal na titulo naman ang naipamahagi mula sa mga kolektibong CLOA, saklaw ang 170,718 ektarya. Sa ilalim diumano ng regular na programang land acquisition and distribution (LAD), 61,718 titulo naman na saklaw ang 58,828 ektarya ang kunwa’y naipamahagi sa mga magsasaka.
Ang sadyang hindi binabanggit ng DAR ay ang milyun-milyong magsasaka na pwersahang napalayas sa kanilang mga lupa o nakansela ang mga pag-aari at titulo dulot ng pagkalugi at pagpapalit-gamit ng mga lupang pang-agrikultura.
“Kung walang pagharap sa mga reyalidad na ito, ang mga estadistika ng DAR ay mapanlinlang at hindi sumasalamin sa tumitinding kawalang-lupa at paghihirap ng mga magsasaka,” pahayag ni Danilo Ramos (Ka Daning), tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at kandidato pagkasenador ng Makabayan. Katunayan, marami sa mga magsasakang nawalan na ng lupa ay ibinibilang pa rin ng DAR sa listahan ng mga benepisyaryo ng huwad na CARP.
Batbat rin ng anomalya ang pamamahagi mismo ng lupa. Noong Disyembre 2024, isiniwalat ng Commission on Audit na maraming lupang ipinamahagi ang di na sinasaka o di kaya’y pinalitan na ang gamit tungong komersyal at residensyal. Naiulat din ang mga maanomalyang pamamahagi ng DAR sa hindi kwalipikadong mga benepisyaryo, tulad ng mga pulis, hindi magsasaka, overseas Filipino worker at kahit mga menor-de-edad. Ayon rin sa COA, nagamit ng DAR ang 97.94% ng badyet para sa programang LAD pero 32.94% sa target na lupa ang akwal na naipamahagi ng kagawaran.
Binatikos ng KMP ang pagtataguyod ng DAR sa programang SPLIT (Support to Parcelization of Lands for Individual Titling) ng World Bank na nagtilad-tilad sa mga kolektibong CLOA tungong indibidwal na CLOA. Ayon sa grupo, ginawa lamang nitong mas bulnerable ang indibidwal na mga magasasaka sa paghihirap, ispekulasyon sa lupa at pagpapalit-gamit ng lupa.
Ayon sa KMP, walang saysay ang plano ng DAR na pamamahagi ng 400,000 ektaryang lupa sa harap ng neoliberal at kontra-magsasakang mga patakaran ng rehimen na katulad ng Rice Liberalization Law.
“Winawasak ng mga patakaran na ito ang lokal na produksyon, nagbabaon sa mga magsasaka sa utang at nagtutulak sa kanila palabas sa sektor ng agrikultura,” ayon kay Ka Daning. Malinaw, sa gayon, ang kabalintunan ng mga pahayag ng DAR na sinusuportahan nito ang agrikultura, gayong walang tigil na pinipinsala ng mga patakaran ng gubyerno ang kabuhayan ng mga magsasaka.