Estudyante sa mga paaralang Katoliko, tutol sa mandatory ROTC

,

Tutol ang karamihan ng mga estudyante sa mga eskwelahang kabilang sa Catholic Educators Association of the Philippines (CEAP) sa planong ibalik ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC). Ito ang lumitaw na resulta sa isang sarbey ng CEAP kamakailan. Tinatayang 53% sa kabuuang 20,461 estudyanteng sinarbey ang nagpahayag ng pagtutol sa pagpapanumbalik ng ROTC habang 28% ang sang-ayon dito at 19% ang hindi tiyak.

Pinuri ng grupong ekyumenikal na Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ang paninindigan ng mga estudyante na sinalamin ng naturang sarbey. Anang SCMP, dapat dinggin ng mga mambabatas ang hinaing ng kabataan laban sa pagpapanumbalik ng pasistang programa.

Batid ang rekord ng abuso ng ROTC, nakikinita ng mga estudyante ang kanilang malupit na sasapitin kung muling gagawing sapilitan ang ROTC,” ayon kay Kej Andres, pambansang tagapagsalita ng SCMP. Maraming kaso ng pisikal, mental at sekswal na pang-aabuso ang naitala sa pag-iral ng ROTC sa nakaraan, aniya.

Bantog na kaso ng pang-aabuso sa ROTC ang pagkamatay ni Mark Welson Chua, 19-taong gulang na estudyante ng University of Sto. Tomas, noong Marso 2001 sa kamay ng kapwa upisyal sa ROTC ng pamantasan. Isiniwalat noon ni Chua ang mga anomalya, korapsyon at pang-aabuso sa loob ng UST ROTC at dahil dito, pinag-initan at ginantihan siya ng mga upisyal nito na sinipa at inalis sa pusisyon.

Ang CEAP ay ang pambansang asosasyon ng mga eskwelahang pinatatakbo ng mga institusyong Katoliko na binubuo ng 1,484 na eskwelahan.

AB: Estudyante sa mga paaralang Katoliko, tutol sa mandatory ROTC