Balita

Estudyanteng ni-red-tag ng NTF-Elcac, pinabulaanan ang mga paratang sa kanya

,

Naglabas ng bidyo sa Facebook si Stephanie Borinaga noong Enero 30 upang pabulaanan ang mga paninira ng NTF-Elcac sa kanya. Pinalalabas ng ahensya na myembro siya ng New People’s Army (NPA) at biktima ng “terror grooming”. Matapos ang isang araw ay tinanggal ng kumpanyang Meta, may-ari ng Facebook, ang kanyang bidyo.

Si Borinaga, 20 anyos, ay bahagi ng national secretariat ng Anakbayan. Noong Enero 1, walang pahintulot na ikinalat ng militar sa facebook ang kanyang mga larawan at ID. Nakuha diumano ito ng militar sa lugar kung saan nagkaroon ng labanan sa pagitan ng rebolusyonaryong kilusan at ng 203rd Infantry Brigade sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Ayon kay Borinaga, kinailangan niyang magsalita dahil sa banta sa kanyang buhay. Sa bidyo, ipinaliwanag ni Borinaga na una niyang nalaman ang kalagayan ng mga katutubo sa Abra de Ilog noong Oktubre 2025 sa isang aktibidad para sa Buwan ng Magsasaka. Dito ay nagdesisyon siyang makipamuhay sa mga katutubo at magsasaka upang malaman ang tunay nilang kalagayan.

“Sa pakikipamuhay ko sa kanila, doon ko naunawaan na hindi lang korapsyon ang problema ng mga Pilipino, hindi lang pondo ang ninanakaw ng bulok estado kung di pati ang lupa ng mga magsasaka at katutubo. Ninanakaw din ang kinabukasan ng mga kabataan. Kaya ang sakit isipin na ikaw na ang ninakawan, ikaw na ang dinahas, tapos kapag lumaban ka, ikaw pa ang terorista,” paliwanag ni Borinaga.

Nilahad niya ang kanyang karanasan na hulugan ng bomba at paulanan ng bala ng 203rd IB sa komunidad ng Abra de Ilog. Hindi bababa sa apat na attack helicopter ang ginamit upang maglunsad ng istraping sa lugar mula 9:30 ng umaga hanggang 12:30 ng hapon. Hindi bababa sa 12 bomba ang hinulog sa erya.

“Hindi ako pumunta doon para sumali sa NPA. Andun kami sa may paanan ng bundok. Ramdam namin ang pagyanig ng lupa dulot ng pambobomba ng militar. Kahit malayo na kami sa lugar, andun pa rin ang takot ‘pag nakakarinig kami ng ugong ng helikopter at kapag may putok ng baril.” Ayon kay Borinaga, pinaliwanag ng mga residente sa kanya na reyalidad na ng mga magsasaka at katutubo ang pambobomba sa kanayunan. “Hindi ko iyon maiintindihan kung hindi ako nakipamuhay sa kanila.”

Ayon sa Provincial Social Welfare Office ng Mindoro, nasa 769 na indibidwal mula sa 188 na pamilya ang napilitang mag bakwit dulot ng pambobomba noong Enero 1.

Kinundena ni Borinaga ang paggamit ng AFP at Hands of our Children (HOOC) sa kanyang pamilya para sa kanilang propaganda at paninira sa kanya. Kasama ang ina ni Borinaga sa press conference na inilunsad ng NTF-Elcac at HOOC para siraan ang mga grupo ng kabataan at sa iba pang aktibidad ng ahensya. Aniya, nasa hustong gulang na siya upang magpasya para sa kanyang sarili.

Nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang grupo ng kabataan at progresibong organisasyon sa paglalahad ni Borinaga at nanawagan para sa pagtigil sa paninira ng NTF-Elcac sa kanya.

“Ang pagparatang na biktima ng terror-groming ag mga kabataan ay upang sirain ang kredibilidad ng mga kabataan at gaming kriminal ang organisasyon ng mga kabataan,” paliwanag ni Mhing Gomez, tagapagsalita ng Anakabayan.

“Ang matapang niyang paglalahad ay isang sampal sa desperadong paghahabi ng kasinungalingan ng AFP at NTF-Elcac na naglalayong maliitin ang mga kabataan at pabulaanan ang pagiging lehitimo ng kanilang paninindigan para sa hustisyang panlipunan,” pahayag ng Gabriela.

“Normal ang magtanong at maghanap ng solusyon sa isang lipunang sinusupil, ginagapi at dinadahas ng estado. Makabuluhan at makatwiran ang magsaliksik sa kabundukan… Hindi porke’t may pakialam ako sa dinaranas ng mga magsasaka ay NPA na ako. Kung sino man ang terorista dito alam niyong kayo yun,” pagtatapos ni Borinaga.

AB: Estudyanteng ni-red-tag ng NTF-Elcac, pinabulaanan ang mga paratang sa kanya