Fluvial parade kontra sa mapangwasak na daanan at proyektong solar, inilunsad
Naglunsad ng isang fluvial parade o parada sa karagatan ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at maka-kalikasang grupo na Save Laguna Lake Movement (SLLM) sa Muntinlupa City noong Mayo 31. Ipinanawagan nila ang pagbabasura sa mapangwasak na Laguna Lake Roadshore Network Project (LLRNP) at 2,000-ektaryang floating solar power project sa Laguna de Bay.
Ayon sa dalawang grupo, mapalalayas ng dalawang proyekto ang libu-libong mangingisda at residente ng mga syudad ng Muntinlupa, Taguig at mga nasa timog na bahagi ng Laguna de Bay.
Maglalatag ang LLRNP ng 37.4 kilometrong expressway o malawak na kalsada sa embankment (malapit sa baybay) ng lawa. Magsisimula ang daan sa Lower Bicutan, Taguig City at magtatapos sa Calamba City, Laguna. Liban dito, itatayo rin ang 6.1 kilometrong “connecting roads” dito at 7.3 kilometrong mga “interchange road” at “slip road.” Gagastos ito ng ₱174.3 bilyon at popondohan ng pautang mula sa Asian Development Bank (ADB).
Noong Hunyo 2024, iniulat ng Department of Public Works and Highways na 97% kumpleto na ang detalyadong disensyo ng LLRNP. Nakipagpulong na rin noong nakaraang taon ang rehimeng Marcos sa Export-Import Bank of Korea, katuwang ng ADB, na siyang popondo sa isang bahagi ng proyekto (7.94 kilometrong daan mula Lower Bicutan hanggang Alabang).
Samantala, ang Laguna Lake Floating Solar Project ay itinutulak sa tabing ng paglikha ng “renewable” o malinis na enerhiya. Sasaklaw sa 2,000 ektarya ng lawa ang paglalatag ng mga solar panel sa bahagi ng mga syudad ng Calamba, Santa Rosa at Cabuyao, at sa mga bayan ng Bay at Victoria. Tinatayang aabot sa 10,000 mangingisda at iba pang residenteng nakasalalay sa lawa ang mapagkakaitan ang maapektuhan.
Ibinigay ng Laguna Lake Development Authority (LLDA ang mga kontrata sa pagtatayo ng solar panel sa AC Energy Corporation ng mga Ayala (800 ektarya), sosyohan ng SunAsia Energy Inc at Blueleaf Energy (1,000 ektarya), at sa kumpanyang Singaporean na Vena Energy (200 ektarya). Sa taya ng mga kumpanya, aabot sa kabuuang 2.57 gigawatts ng kuryente ang lilikhain ng mga ito.
Noong Hunyo 2024, binigyan ng Department of Energy ang SunAsia ng sampung tig-25 taong kontrata para sa operasyon nito. Ayon sa kumpanya, sisimulan nito ang konstruksyon ng proyekto sa susunod na taon at bubuksan para sa komersyal na operasyon sa 2026.
“Ngayong pambansang araw ng mga mangingisda, muli naming inirerehistro ang pagtutol namin sa mga proyektong pribatisasasyon sa Laguna de Bay tulad ng LLRN at floating solar power,” pahayag ni Chris Baisa ng SLLM. Dagdag niya, wala sialng akikitang mabuting maidudulot ang mga proyekto sa mga mangingisda kundi perwisyo at paglabag sa karapatan sa kabuhayan.
Ang panawagan nila at ng mga mangingisda sa rehimeng Marcos ay ganap na rehabilitasyon ng lawa na magbabalik sa dating sigla nito bilang pangisdaan at hindi ang ibayong pangwawasak dito.