Fluvial protest kontra reklamasyon, inilunsad sa Bacolod City

,

Naglunsad kahapon ng fluvial protest o protesta sa karagatan ang mga mangingisda at maralitang tutol sa nakatakdang 1,018-ektaryang proyektong reklamasyon sa Bacolod City. Pinangunahan ang pagkilos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya)-Negros, Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Negros at Bacolod Against Reclamation Movement (BARM).

Ang mga nakiisa sa protesta ay mula sa mga barangay ng Banago at Punta Taytay, mga apektadong komunidad ng mapangwasak na reklamasyon. Dala ng mga mangingisda at residente ang kanilang mga panawagan sakay ng dalawang pump boat at 13 bangkang de motor.

“Ang layunin namin ay ipamalas ang aming pagtutol sa pamamagitan ng aktibidad na ito, para ipabatid sa buong komunidad na ang mamamayan ng Barangay Banago ay nananatiling mulat,” pahayag ng Pamalakaya-Negros.

Binatikos din ng mga nagprotesta ang City Resolution No. 235, na nagpapahintulot sa proyektong reklamasyon sa Bacolod City sa pamamagitan ng upisina ni Bacolod City Mayor Albee Benitez.

Anang isang kasapi ng BARM, “hindi dapat tayo magtambak sa ating mga baybay dahil para sa mga isda ito. Kung panghihimasukan natin ito, saan pupunta ang mga isda? Sasalalay na lang ba tayo sa imported na isda?” Giit niya na hindi reklamasyon ang solusyon sa pagtugon sa pangunahing hinaing ng mga Bacolodnon.

Ayon sa BARM, magtutuluy-tuloy pa ang kanilang mga aktibidad sa darating na mga buwan para tutulan ang mga proyektong reklamasyon. Hinimok naman nila ang mga residente ng Bacolod City, laluna ang mga galing sa 61 baybaying barangay nito, na magkaisa at ipamalas ang kanilang pagtutol sa mapaminsalang proyekto.

Ang BARM ay binuo ng mahigit 80 lider ng komunidad, taong simbahan at tagapagtaguyod ng karapatang-tao noong Setyembre 10, 2022 para labanan ang reklamasyon.

Tinatayang 10,000 residente ng syudad ang maapektuhan ng mga proyekto pangunahin sa Barangay Banago. Mapapalayas ang mga maralita at sapilitang wawasakin ang kanilang paninirahan kung matutuloy ito. Hindi naman bababa sa 2,000 mangingisda at maglalako ng isdang nakasalalay ang kabuhayan sa dagat ang mawawalan ng hanapbuhay.

AB: Fluvial protest kontra reklamasyon, inilunsad sa Bacolod City