"Food emergency," di solusyon sa mataas na presyo ng bigas
Binatikos ng mga magsasaka ang plano ng rehimeng Marcos na magdeklara ng “food emergency” na anila’y hindi solusyon sa napakataas na presyo ng bigas. “Panandaliang hakbang muli ito at hindi tinutugunan ang ugat ng problema—ang kontrol ng mga pribadong negosyante at rice cartel sa suplay at presyo ng bigas,” ayon kay Rafael Mariano, chairperson emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at dating Agrarian Reform Secretary.
Ani Mariano, nabigyang laya ng Rice Liberalization Law (RLL) ang mga ganid na negosyante upang manipulahin ang presyo ng bigas sa merkado, habang patuloy na nalulugi ang ating lokal na magsasaka. Kung seryoso ang gubyerno sa pagpapababa ng presyo ng bigas, dapat nitong ibasura ng RLL, aniya.
“(Dapat nitong) itaas ang suporta sa lokal na produksyon, at ipatupad ang mahigpit na regulasyon laban sa hoarding at overpricing ng malalaking negosyante. Ang gubyerno ang dapat may kontrol sa suplay at presyo ng bigas, hindi ang mga pribadong kartel,” aniya.
Nakatakdang ideklara ang “food emergency” sa Pebrero para bigyan-daan ang pagbebenta ng NFA ng bigas sa mga lokal na gubyerno sa mas mababang presyo. Ayon sa rehimen, maaaring ibenta ng ahensya ang nakatambak nitong bigas sa presyong ₱36/kilo. Diumano, maaaring ibababa nito ang karaniwang presyo ng bigas tungong ₱38. Aabot sa 300,000 metriko toneladang bigas ang nais idispatsa ng NFA.
Bago ang pakanang ito, nangako na rin ang rehimen na bababa ang presyo ng bigas matapos ibaba nito ang ipinapataw na taripa sa imported na bigas. Bago nito, nagtangka itong magpataw na minimum na presyo ng bigas, at kamakailangan, “maksimum” naman na presyo nito. Lahat ng pakitang-taong mga pakanang ito ay pumalpak.