Balita

Ginang sa Negros Occidental, namatay dahil sa takot sa operasyon ng 79th IB

,

Isang hindi pa napapangalanang ginang ang naiulat na namatay sa Sityo Toril, Barangay Bandila, Toboso, Negros Occidental noong nakaraang linggo bunga ng labis na takot at troma sa mga operasyon ng 79th IB. Ang batalyon ay pinamumunuan ni Lt. Col. Arnel Calaoagan.

Ayon sa ulat, nireyd at niransak ng mga sundalo ng 79th IB ang bahay na pag-aari ng pamilyang Mahusay kung nasaan ang ginang sa Sityo Toril noong Mayo 20. Pinasok ang bahay ng alas-5 ng umaga, karaniwang modus ng mga sundalo para mabigla ang mga residente sa gitna ng katahimikan ng pagpapahinga.

Isang katulad na insidente rin ang naganap sa Barangay Minapasok, Calatrava. Inatake ng stroke ang magsasakang si Boyet de Asis noong Mayo 23 dahl sa pagbabanta sa kanya ng pitong sundalo ng 79th IB at mga traydor sa rebolusyon na sina Marlon Basalo (Elan) at alyas Jonel/Mike sa Sityo Kapanuya.

Ang mga pwersa ng estado na nagtungo sa bahay ni de Asis ay nakasuot ng bonet at hindi naka-uniporme. Pinasok din ng mga ito ang iba pang mga bahay sa komunidad na pag-aari ng pinagbibintangan nilang mga tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

AB: Ginang sa Negros Occidental, namatay dahil sa takot sa operasyon ng 79th IB