Grupo ng kababaihan sa Mindanao, tinutulan ang pagtanggal ng babaeng MILF lider sa BTA
Nagpahayag ng pagtutol ang mga lider kababaihan sa ilalim ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagtanggal kay Engr. Aida Silongan mula sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) na pinamumunuan ng 80 myembro, sa ilalim ng interim government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Ang pagtanggal sa kanya ay nag-aalis sa mas kailangang representasyon ng kababaihan sa transition government sa panahon na pinakakrusyal na bahagi ng transition period. Kinakatawan ni Silongan ang ilang libong kababaihang myembro ng MILF sa mga komunidad,” nakasaad sa bukas na liham para kay Ferdinand Marcos Jr mula sa 15 lider ng organisasyon ng kababaihan sa Mindanao noong Mayo 22.
Si Silongan ay myembro ng BTA mula pa noong 2019 at namuno sa Ministry of Science and Technology. Nangasiwa rin siya sa Social Welfare Commttee ng MILF at naging una at natatanging babae na myembro ng Board of Directors ng Bangsamoro Development Agency ng MILF. Lead convenor din sya ng Women’s Organization of Bangsamoro (WOMB), isang pederasyon na binubuo ng 30 organisasyon ng kababaihan na nakabase sa Mindanao.
Sa BTA 1 (2019) AT 2 (2022), ay may malaking partisipasyon ang kababaihan sa BTA. Labing anim sa 80 myembro ng BTA ay mula sa kababaihan, at ang Floor Leader noon ay babae rin. Sa BTA 3 (2025) naman ay 10 kababaihan na lamang ang naging myembro nito. Ang BTA ang nagsisilbing interim body na may tungkulin na pamunuan ang BARMM sa pangunguna ng MILF at ng 41 na nominado. Subalit nitong Marso, pinalitan si Silongan ng lalake at hindi upisyal na inendorso ng MILF.
Matatandaang hindi natuwa ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagtatalaga ni Marcos Jr kay Abdulraof Macacua bilang bagong interim chief minister ng BTA noong Marso. Ayon sa pahayag na inilabas ng Komite Sentral nito, walang konsultasyon na pinalitan ni Marcos ang kasalukuyang interim chief na si Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim at taliwas rin ito sa naipaabot na ng grupo na kagustuhang manatili siya sa poder. Dagdag dito, 35 lamang sa 41 isinumiteng pangalan ng MILF ang ipinwesto ni Marcos sa BTA.
Sinuportahan ni Amirah Lidasan, co-chairperson ng Sandugo ang panawagan ng mga lider kababaihan ng MILF. Aniya, kailangan ng maaasahan na kinatawan ng kababaihan sa BTA, laluna sa mga lumalaban para sa kapayapaan sa Mindanao.
Pinuna rin niya ang patuloy na pangingialam ng gubyerno sa BARMM matapos ang kwestyunableng pagtatalaga ni Marcos ng mga bagong myembro sa BTA at sa pagpapaliban sa pinakaunang eleksyon ng rehiyon,
“Dahil ang BTA ay bahagi ng proseso ng pangkapayapaan sa MILF, dapat tingnan kung may posibleng mga paglabag ang gubyerno ng Pilipinas sa kasuduan sa kapayapaan at alamin kung talagang sinsero sila sa nagpapatuloy na usapang pangkapayapaan” dagdag ni Lidasan.
Nauna nang nagbabala ang MILF na ang pagtalikod at pagwawalang-bahala sa mga rekomendasyon ng MILF, epektibong inalisan ni Marcos ng karapatan ang MILF na pamunuan ng BTA. Nasa interes ng lahat na kumonsulta sa pamunuan ng MILF at igalang ang kanilang desisyon sa mga usaping may napakalaking kahalagahan sa Bangsamoro, anito.