Balita

Grupo para itaguyod ang karapatan ng manggagawa sa pelikula at telebisyon, itinatag

,

Inilunsad ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon, mga propesyunal, mga estudyante ng midya, at mga tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa ang Eyes on Set Network para bantayan ang pagpapatupad sa Eddie Garcia Law at pagtutulak ng nakabubuhay na sahod at makataong oras ng paggawa sa industriya ng pelikula at telebisyon. Upisyal na inilunsad ang network sa isang rali noong Setyembre 11 sa Quezon City.

Itinaon ang pagkilos sa araw na dapat ilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang implementing rules and regulations (IRR) ng Eddie Garcia Law. Ang naturang batas ay ipinasa noong Mayo 24.

“Bukas na tinatanggap ng Eyes on Set network ang Eddie Garcia Law. Ang batas ay isang positibong hakbang sa regulasyon sa industriya ng pelikula at telebisyon. Liban pa sa batas, dapat gamitin ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon ang pagkakataong ito para ihayag ang kanilang mga karanasan, higit pang pag-aralan ang kanilang mga kundisyon sa industriya, at magsikap na kaisahin at organisahin ang kapya mga manggagawa,” pahayag ni Nics Basco, tagapagsalita ng grupo.

Ang batas ay itinulak na maisakatuparan matapos ang pagkamatay ng aktor na si Eddie Garcia noong Hunyo 20, 2019 matapos maaksidente habang nasa set ng produksyon ng pelikula. Sa kanya rin ipinangalan ang batas.

Kabilang sa nilalaman ng batas ang pagbibigay ng katiyakan at proteksyon sa mga indibidwal na nasa industriya ng pelikula at telebisyon, kabilang ang mga independyenteng kontraktor at empleyado. Itinatak rin sa batas ang pagkakaroon ng mga protokol para sa kaligtasan at ligtas na mga lugar ng trabaho.

Bahagi rin nito ang pagtugon sa mga isyu tulad ng tagal ng oras sa pagtatrabaho, sahod at mga benepisyo. Isinaad rin dito ang pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa sa industriya na pumasok sa isang kolektibong pakikipagnegosasyon.

“Sa isang industriya na hindi makatao ang oras ng paggawa at napakatindi ng mga kundisyon, hinihimok ng network ang mga manggagawa na iulat ang posibleng mga paglabag at mga pagtatangkang ikutan ang batas na nagsasawalang-bisa sa intensyon nito,” ayon sa network. Higit sa lahat, idiniin din nila ang pangangailangan magbuo ng mga gremyo at unyon para tuluy-tuloy na palakasin at ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Nakatakdang magsagawa ng mga porum at konsultasyon ang network sa mga manggagawa at tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa para ipalaganap ang impormasyon tungkol sa Eddie Garcia Law at karpatan sa paggawa sa industriya.

AB: Grupo para itaguyod ang karapatan ng manggagawa sa pelikula at telebisyon, itinatag