Balita

Grupong pangkapayapaan, nababahala sa pag-aresto sa 3 konsultant ng NDFP

Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) sa sunud-sunod na pag-aresto ng Gubyerno ng Pilipinas (GRP) sa mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan sa nakaraang buwan.

“(S)a Nobyembre 23, gugunitain na ang unang anibersaryo ng pagpirma ng GRP-NDFP Oslo Joint Agreement,” ayon sa CLPI sa isang pahayag noong Oktubre 31. Ang pahayag na ito ay nagbigay sa bansa ng pag-asa na makakamit ang makatarungan at matagalang kapayapaan sa sigalot na nakaugat sa lehitimong mga usaping sosyo-ekonomiko at pulitikal, ayon sa grupo.

“Nais naming magpaabot ng pagkabahala sa kamakailang mga pangyayari na maaaring dumiskaril sa pagsulong, o mas malala, magresulta sa pagbibitiw sa proseso,” anito. Tinutukoy nito ang mga pag-aresto kamakailan kina Wigberto Villarico noong Oktubre 24, Simeon Naogsan noong Oktubre 21 at Porferio Tuna noong Oktubre 2, lahat mga konsultant ng NDFP at sa gayon ay protektado ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

“Ang mga pang-aarestong ito ay mayroong chilling effect sa prosesong pangkapayapaan at nagpapababa sa tiwala na sadyang napakahalaga para itulak ang mga ipinangako sa pahayag sa Oslo,” ayon sa grupo. Naniniwala ito na may mga elemento sa rehimeng Marcos na nagsisikpa para barahin ang anumang pagsulong tungo sa pagkakaroon ng permanenteng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno at ng NDFP. Ipinanawagan nila kay Ferdinand Marcos na pigilan ang ganitong mga pagsisikap.

“Sa muli, nananawagan ang CLPI sa mga Partido na humakbang pasulong sa exploratory talks at pagkaisahan ang balangkas sa usapang GRP-NDFP,” anito. Nakikita nito ang kakagyatan para sa pagkakaroon ng mga hakbang para sa confidence-building, na maaring mag-anyo sa mga temporaryong tigil-putukan, at pagtatanggol at pagkakaroon ng mga mekanismo para sa lahat ng mga sangkot sa proseso.

Isa sa panawagan ng grupo ang pagpapalaya sa mga konsultant ng NDFP na kasalukuyang nakakulong, kabilang ang tatlong bagong inaresto.

Ang CPLI ay multisektoral na kalipunan ng mga indibidwal na nagsusulong ng kapayapaan sa bansa.

AB: Grupong pangkapayapaan, nababahala sa pag-aresto sa 3 konsultant ng NDFP