Grupong Save Gubat Bay Movement, nagtayo ng nursery ng mga bakawan sa Sorsogon

,

Nagtayo ng nursery ng mga bakawan ang grupong Save Gubat Bay Movement na magsisilbing pangtanim at pangrehabilitate sa nasisirang mga bakawan sa prubinsya. Ang proyektong ito ay bahagi ng kanilang pagsisikap na mapangalagaan ang sistema ng ekolohiya ng karagatan sa Sorsogon.

Ang nursery ng bakawan ay lugar para patubuin at alagaan ang mga punla hanggang sa maging handa sila para maitanim sa mga lupain na akma sa mga ito.

Nanguna ang SGBM sa paglaban upang tutulan ang konstruksyon ng coastal road project sa Gubat, Sorsogon. Bagamat nagtagumpay silang mapigilan ang proyekto dahil sa malubhang epekto nito sa kalikasan at kabuhayan ng maliliit na mangingisda sa naturang lugar, iligal namang nagsimula ang konstruksyon ngayong taon.

“Mistulang walang alam si Senador Escudero sa matinding epekto ng reklamasyon sa mga komunidad sa tabing dagat at sa karagatan ng reklamasyon. Ang aming pagtutol sa reklamasyon ay hindi batay lang sa aming pangamba ngunit batay sa konkretong karanasan ng mga mangingisda at residente na mapapalayas at mawawalan ng kabuhayan dahil sa mga proyektong reklamasyon na para lamang sa mga negosyante.”

Ayon kay Sen. Chiz Escudero, na dating nagsilbing gubernador ng probinsya, ang mga proyektong reklamasayon ay inisyatiba ng pribadong sektor at hindi magandang pigilan ito dahil lamang sa “simpleng takot”. Nilahad nya ito matapos ang pahayag ng embahada ng estados unidos na nababahala sila hinggil sa epekto sa kalikasan at seguridad ng reklamasyon sa manila bay.

Ayon sa grupo, napatunayan na ng mga siyentista at mga eksperto na malaki ang pinsala sa kalikasan at sa karapatang sosyo-ekonomiko ang mga proyektong reklamasyon o tinatawag ding dump and fill.

“Hinahamon namin si Senador Escudero na tumapak sa lupa at kausapin ang mga pamilyang apektado ng mga reklamasyon, kung bakit ito tinututulan, na para sa amin, ay usapin ng buhay at kamatayan” ani Allan Espallardo, tagapangulo ng SGBM.

AB: Grupong Save Gubat Bay Movement, nagtayo ng nursery ng mga bakawan sa Sorsogon