News

Higanteng protesta sa New Zealand laban sa tangkang baguhin ang tratadong nagtatanggol sa mga karapatan ng mga Maori

,

Puu-puong libo ang nagrali sa harap ng parlamento ng New Zealand sa Wellington noong Nobyembre 19 laban sa panukalang batas na anila’y yuyurak sa karapatan ng katutubong mamamayang Maori. Umaabot sa 42,000 ang nagprotesta laban sa Treaty Principles Bill na ipinanukala ng ACT New Zealand Part, ang kasalukuyang naghaharing partido sa parlamento. Ang pagkilos ay dulo ng isang martsa (tinawag na “hikoi” sa salitang Maori) na nagsimula sa hilagang bahagi ng New Zealand at tumagal nang siyam na araw. Libu-libo ang sumama sa martsang ito, kung saan may mga nakasakay at mayroong naglalakad.

Layunin ng Treaty Principles Bill na baguhin ang 187-taong Treaty of Waitangi, isang tratadong gumagabay sa pulitika ng New Zealand. Nakasaad sa tratadong ito ang “paggawad” ng noo’y kolonyalistang Britain ng masasaklaw na karapatan ng Maori sa sarili nilang lupa, kapalit ng kanilang pagpapailalim sa pamamahala ng Britain. Itinuturing itong isang foundational document o dokumento ng pagpupundar ng bansa, na maihahalintulad sa konstitusyon. Ang interpretasyon nito ay nakaatang sa mga korte at sa itinayong Waitanga Tribunal.

Alinsunod sa panukala, ililipat sa parlamento, at sa mga nagpanukala nitong mga mambabatas, ang awtoridad ng interpretasyon ng tratado. Nais rin nilang baguhin ang mga depinisyon na nakasaad sa tratado para tanggalin ang tinitingnan nilang “espesyal na mga karapatan” ng mga Maori. Sa aktwal, nais nilang pahinain ang mga karapatan ng mga Maori, kabilang ang kanilang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili, na siyang nasa ubod ng tratado.

Binubuo ng mga Maori ang halos isang milyon o 19% ng populasyon ng New Zealand. Naging minorya sila sa sarili nilang bansa mula nang sakupin ito ng Britain sa ika-18 siglo. Pumasok ang mga lider ng Maori sa Treaty of Waitangi noong 1840, kung saan ipinagpalagay ng mga British na isinuko ng mga Maori ang kanilang soberanya, gayong ang sinang-ayunan lamang nila ay ang pamamahala (governance o kawanatanga sa salitang Maori).

Malawakang pinalayas ng British ang mga Maori sa kanilang mga lupa para itayo ang malalaking settlement o komunidad ng kanilang mamamayan mula sa Britian. Sa pagitan ng 1843-1872, sumiklab ang tinawag na New Zealand Wars kung saan brutal at marahas na inagaw ng mga British ang signipikanteng bahagi ng mga lupa ng mga Maori. Sa kasalukuyan, mayorya ng mga Maori ay nakatira na lamang sa hilagang bahagi ng bansa habang okupado ng mga British ang malaking bahagi nito.

Panimula nang natalo sa unang pagdinig ang panukala, kung saan pinunit ng isang mambabatas na Maoiri ang kopya nito, at pinangunahan ang tradisyunal na sayaw na “haka” sa harap mismo ng mga mambabatas na nagpanukala nito.

AB: Higanteng protesta sa New Zealand laban sa tangkang baguhin ang tratadong nagtatanggol sa mga karapatan ng mga Maori