Balita

Hurisdiksyon ng ICC sa kaso ni Duterte, pinagtibay

, ,

Pinagtibay ng International Criminal Court (ICC) ang hurisdikayon nito sa kaso ng krimen laban sa sangkatauhan ng dating presidente na si Rodrigo Duterte. Inilabas ang dessiyon ng ICC Pre-Trial Chamber 1 noong Oktubre 23 na pinirmahan ng tatlong husgado nito.

Sa naturang desisyon, ibinasura ng korte ang petisyon ng depensa ang ibasura ang kaso ni Duterte dahil nagsimula ang pormal na imbestigasyon dito noong Setyembre 2021, o dalawang taon matapos umalis ang bansa sa ICC. Ayon sa mga husgado, dapat basahin ang mga tuntunin ng ICC sa paraang nagbabalanse sa karapatan ng isang estado na umatras sa Rome Statute at sa risgo ng paggamit sa naturang karapatan para ipagtanggol ang mga indibidwal mula sa hurisdiksyon ng Korte. Dapat umanong bantayan na hindi “naabuso” ang karapatang ito.

Ayon din sa korte, nagsimula ang preliminary na imbestigasyon ng ICC simula Pebrero 2018, sa pangunguna ng noo’y prosekyutor ng ICC na si Fatou Bensouda, bago pa inatras ni Duterte ang bansa sa ICC.

Inanunsyo ni Duterte ang pag-atras ng Pilipinas sa ICC noong Marso 2018 matapos ianunsyo ng korte ang balak nitong imbestigahan ang libu-libong kaso ng pinatay sa ilalim ng kanyang huwad na gera kontra-droga. Nagkabisa ang pag-atras noong Marso 2019.

Ayon kay Atty. Krissy Conti, assistant to counsel ng ICC at abugado ng mga biktima ni Duterte, ang natitira na lamang na isyu para matuloy ang kumpirmasyon ng kaso laban sa dating presidente ay ang pagpipirmi kung siya ay “fit to stand trial.” Aniya, kung mapapatunayang siya ay nasa maayos na kalusugan, matutuloy na ang kumpirmasyon. Kung hindi, isususpinde ng korte ang pagdinig at mananatili siya sa kostudiya ng ICC. Isasalang siya sa ebalwasyon kada 120 araw para alamin ang kanyang kalagayang pangkalusugan. Kahit permanente siyang madeklarang “unfit for trial,” hindi pa rin ibabasura ang kaso kundi mananatili itong suspindido nang walang taning (indefinely suspended).

Inaasahang matatapos ang ebalwasyon ng korte sa kalusugan ni Dutere sa katapusan ng Oktubre.

AB: Hurisdiksyon ng ICC sa kaso ni Duterte, pinagtibay