Hustisya at pananagutan, panawagan ng mga residente ng Siargao matapos ang pang-aatake ng mga sundalong Israeli sa isang pamilya
Hustisya at pananagutan ang panawagan ng mga residente ng General Luna sa Siargao Island sa Surigao del Norte matapos ang serye ng mga krimen at karahasan laban sa kanila ng mga sundalong Israeli na naglipana sa isla. Nagtipon sila sa isang pagpupulong kasama ang mga lokal na upisyal, pulis, mga may-ari ng negosyo at iba pang sektor noong Mayo 12 para talakayin ang sunud-sunod na mga insidente ng karahasan, panggugulo at pambabastos ng mga sundalong Israeli sa isla.
Pinakahuli, at pinakamalala, ang pang-aatake ng isang grupo ng mga Israeli sa Cartoon Cafe sa General Luna noong Mayo 11. Ayon sa mga ulat, pinag-initan ng mga sundalo ang establisyemento matapos makita ang isang bandila ng Palestine na nakasabit sa labas nito. Iniulat na sinira ng mga sundalo ang mga CCTV camera at pisikal na binugbog ang mag-asawang may-ari ng negosyo, sa presensya ng kanilang maliit na anak. Ang mga sundalong ito ay naiulat na “fresh” o bago lamang lumabas sa “serbisyo” sa gerang henosidyo na isinasagawa ng kanilang Zionistang estado laban sa Palestine.
Dumalo sa pagpupulong ang mag-asawang may-ari ng cafe, na may bakas pa ng atake tulad ng blackeye sa asawang babae at pamamaga sa mukha. Sa kanilang salaysay, inabot ng 2-3 oras bago sila sinaklolohan ng ambulansya.
Lalong ikinagalit ng mga residente ang di pagsipot ni Israeli Ambassador Dana Kursh, gayung iniulat na ito ang nagpatawag ng naturang pulong. Sukdalang pambabastos ito sa kanila, na hindi man lamang pinaabutan ng abiso na hindi siya makadadalo.
Huli lamang sa mahabang listahan ng pang-aabuso, pambabastos at panggugulo ang brutal na pag-atake sa Cartoon Cafe. Mula noong 2025, lumaki ang bilang ng mga reklamo sa Siargao hinggil sa masamang pag-uugali ng mga Israeli na tila inaangkin na ang isla. Kabilang sa mga insidenteng naiulat ang pagtawag at pagtrato sa mga residente bilang mga alipin, pambabato, berbal na pang-aabuso, sobrang pag-iingay at malaswang pag-uugali sa publiko. Inirereklamo rin ang kanilang kawalan ng paggalang sa lokal na kultura at di pagbabayad sa mga serbisyong ginagamit nila.
Noong nakaraang taon, nagbabala na ang mga lider-komunidad gaya ni Maria Tokong tungkol sa “militaristang” aktitud ng mga Israeli, na marami ay galing sa serbisyong militar. Nagpahayag sila ng matinding pagtutol sa planong pagtatayo ng Israeli Cultural Center sa isla.
Panawagan ng mga residente na bigyan ng karampatang parusa ang mga dayuhang sundalo, at patalsikin sila sa isla, kundi man sa Pilipinas. Iginiit din nila ang angkop na kumpensasyon sa mga nasira, at para sa lokal na gubyerno na gawing prayoridad ang kaligtasan ng mga Pilipino at kanilang mga lumad na komunidad, at hindi ang dayuhang mga turista.