Hustisya sa biktima ng ROTC hazing sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, ipinanawagan
Nagpiket ang mga estudyante, magulang, at grupo ng kababaihan sa harap ng tarangkahan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa Intramuros, Manila noong Mayo 20 para manawagan ng hustisya at pananagutan sa estudyanteng biktima ng hazing sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC). Iginiit nila sa adminstrasyon ng PLM na bigyan ng pansin at kagyat na tugunan ang usapin.
Sa pagkilos, muling kinundena Gabriela Youth PLM ang nalantad na kaso ng hazing na naganap noon pang Nobyembre 2024. Nabunyag ang kaso nang manawagan ng hustisya ang ama ng biktima noong Mayo 8 dahil sa patuloy na kawalang aksyon ng pamantasan.
Ayon sa ulat, naganap ang marahas na hazing sa isang babaeng kadete noong Nobyembre 28, 2024 sa tinaguriang “Armory” ng upisina ng ROTC sa loob ng unibersidad. Sangkot sa hazing ang mga kadete at upisyal ng PLM ROTC. Sa utos umano ng sinasabing upisyal, piniringan, pinagsasampal, pinag-bridge pose habang pinagmumura at inipit ang daliri ng biktima.
Dahil sa insidente, hindi na natapos pa ng biktima ang kanyang unang semestre at nagpasyang lumipat na lamang ng paaralan. Nagdulot rin ito ng matinding troma sa kanya at kinailangan siyang ipasailalim sa pagpapagamot sa Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD).
Kinundena rin ng grupo ang pagpapatupad ng mala-mandatory na ROTC sa ilalim ng National Service Training Program ng PLM. Ayon sa grupo, malaking bilang ng mga first year ang napipilitang pumasok sa ROTC dahil kulang na ang slot sa Civic Welfare Training Service na pwedeng panghalili sa ROTC. Bunga rin umano ito ng paghahabol ng PLM na maabot ang kota sa programang ROTC.
Noong Mayo 14, kasunod ng paggigiit ng pamilya at mga grupo, naganap ang paunang pagdinig sa kaso ng hazing. Matapos ang pagdinig ay nakipagkonsultahan ang pamilya kasama ang Gabriela Youth PLM at Gabriela Women’s Party para sa mga susunod na hakbang sa kaso at pagkakamit ng hustisya para sa biktima.
Muli ring ipinahayag ng Gabriela Youth PLM at iba pang mga grupo ng mga kabataan at estudyante ang kanilang pagtutol sa ipinapanukalang Mandatory ROTC ng rehimeng Marcos.