Hustisya sa pagkamatay ng brodkaster na si Percy Lapid, patuloy na iginigiit

Nagprotesta ang mga mamamahayag sa pangunguna ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa Department of Justice sa Ermita, Manila kahapon, Oktubre 3, para ipanawagan ang hustisya at mabilis na resolusyon sa pagpatay sa brodkaster sa radyo na si Perceival Mabasa, kilala din bilang Percy Lapid. Si Mabasa ay inambus ng mga lalaking magkaangkas sa motorsiklo noong Oktubre 3, 2022 sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City. Papunta siya noon sa kanyang istasyon para sa kanyang programa sa radyo.

Kilala si Mabasa sa kanyang mga komentaryong kritikal sa noo’y rehimeng Duterte, at sa kasalukuyang rehimeng Marcos-Duterte. Sa isa sa pinakahuli niyang brodkas, tinalakay niya ang panggigipit ng NTF-Elcac kay Judge Marlo Magdoza-Malagar, at ang mga panganib ng red-tagging. Naging paksa rin ng kanyang programa ang pambabaluktot sa kasaysayan, laluna sa mga pangyayari sa ilalim ng batas militar.

Si Mabasa ang pangalawang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Hindi naman bababa sa 60 ang bilang ng mga kaso ng paglabag sa kalayaan sa pamamahayag ang naitala ng grupo sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, ayon sa NUJP.

Nakiisa sa panawagan ng mabilis na hustisya para kay Mabasa ang koalisyong Freedom for Media Freedom for All (FMFA), na kinabibilangan ng Philippine Center for Investigative Journalism, Center for Media Freedom and Responsibility, NUJP, MindaNews, at Philippine Press Institute. Dumalo rin sa pagkilos ang mga estudyanteng mamamahayag ng College Editors Guild of the Philippines at mga kasapi ng Altermidya Network.

“Ang pagpatay kay Mabasa ay nagsiwalat sa kung gaano na ka-delikado ang Pilipinas para sa mga manggagawa sa midya, laluna sa mga kritikal na brodkaster sa radyo,” ayon sa FMFA.

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang pinakapeligroso para sa mga mamamahayag sa buong mundo. Sa kabuuang 178 kaso ng pagpatay sa mamamahayag sa bansa, lilimang kaso ang may napanagot sa korte sa mga pangunahing sangkot sa mga krimeng ito.

AB: Hustisya sa pagkamatay ng brodkaster na si Percy Lapid, patuloy na iginigiit