Balita

Hustisya, sigaw ng mga residente isang taon matapos ang marahas na demolisyon sa Pampanga

, ,

Namartsa sa Angeles City sa Pampanga ang mga residente ng Sityo Balubad, Barangay Anunas noong Marso 12 para manawagan ng hustisya sa marahas at iligal na demolisyon sa kanilang komunidad noong Marso 12, 2024. Sa demolisyon noong nakaraang taon, 600 pamilya at 48 magsasakang benepisyaryo ng certificate of land ownership award (CLOA) ang napalayas mula sa kanilang lupa sa saklaw ng 73 ektaryang lupain.

Limang residente ng Sityo Balubad ang nasugatan sa walang-patumanggang pamamaril ng mga pulis. Aabot sa 500 pinagsanib na pwersa ng pulis at maton ng Clark Hills Properties Corporation ang lumusob sa barikada ng mga residente noong nakaraang taon. Giniba ang mga bahay na malapit sa barikada at sapilitang pinasok ang mga lagusan ng baryo kasabay ng pambabato ng demolition team sa mga nagbabarikadang residente.

Noong Hunyo 2024, namatay ni Gregorio Navarette, isa sa mga residente ng Sityo Balubad na nasugatan sa pamamaril ng mga pulis. Namatay siya sa impeksyon sa bituka bunga ng tama ng bala na dahilan ng kanyang pagpapabalik-balik sa ospital.

Ang martsa sa Angeles City ay pinangunahan ng Anunas United Farmers and Homeowners (AUFH). Dumalo at sumuporta sa pakikibaka ng mga residente ang Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), at mga organisasyong nagtataguyod sa karapatan ng mga magbubukid. Nanawagan sila ng hustisya para sa mga napalayas na residente at nagsagawa ng prayer vigil para sa mga nagsakripisyo sa pagtatanggol sa lupa.

Unang itinayo ng mga residente ang kanilang barikada noong Oktubre 2023. Sa kanilang pagkakaisa at paglaban, dalawang beses na binigo ng mga residente ang tangkang demolisyon noong Oktubre 2023 at Pebrero noong 2024. Tuluyan lamang silang napalayas ng karahasan ng pulis at ng Clark Hills noong Marso 2024.

Ang lupa ay pag-aari ng mga residente at mayroon CLOA at resibo ng buong kabayaran nito sa Landbank of the Philippines. Malaon nang pinangangambahan na maapektuhan ng pangangamkam at demolisyon ang katabing mga barangay ng Cuayan at Sapangbato.

Noong kalagitnaan ng 2024, inalok ng lokal na gubyerno ng syudad ang mga napalayas na residente ng relokasyon sa bayan ng Magalang. Ang alok na tatlong ektarya na relocation site sa Barangay San Ildefonso, na halos nasa hangganan na ng Concepcion, Tarlac, ay tinawag ng mga residente na isang insulto at hindi makatao at hindi nakabubuhay para sa mamamayan ng Sityo Balubad. Inalok ang bawat apektadong residente ng isang 45 metro kwadradong lupa.

“Ang pagkamkam sa Sitio Balubad ay patunay ng lumalalang malakolonyal at malapyudal na pagsasamantala sa lupa. Habang patuloy na pinapaburan ng estado ang pribatisasyon at land-use conversion, lalong lumalala ang kawalan ng lupa, kagutuman, at dislokasyon ng mamamayan,” pahayag ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA), grupong sumusuporta sa mga magbubukid sa bansa.

Tuluy-tuloy ang ligal na paglaban ng mga residente para mabawi ang kanilang lupa habang naglulunsad ng mga kilos protesta para kalampagin ang lokal na gubyerno at ang administrasyong Marcos. Panawagan ng mga magbubukid ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa sa bansa na magtitiyak sa kanilang karapatan sa lupa.

AB: Hustisya, sigaw ng mga residente isang taon matapos ang marahas na demolisyon sa Pampanga