Ika-12 senador, piliing mabuti—Makabayan
Nanawagan ang Koalisyong Makabayan sa mga tagasuporta nito na piliing mabuti ang ika-12 senador na pupuno sa listahan ng mga kandidato sa pagkasenador na iboboto sa araw ng eleksyon sa Mayo 12. Nagpatakbo ang Makabayan ng 11 kandidato sa pagkasenador at apat na partido para sa sistemang party-list para labanan ang mga kandidatong panginoong maylupa, burgesyang kumprador, mga burukratang kapitalista at dinastiya sa pulitika.
“Umaasa kami na pipiliin nila ang kandidatong may pinakamalapit na pusisyon sa mga isyung tinitindigan ng Makabayan at mga party-list nito,” pahayag ni Renato Reyes Jr, tagapangasiwa sa kampanya ng koalisyon.
Ang mga kandidato ng koalisyon sa pagkasenador ay sina Teacher France Castro, Rep. Arlene Brosas, Jerome Adonis, Liza Maza, Ronnel Arambulo, Teddy Casiño, Danilo Ramos, Jocelyn Andamo, Mody Floranda, Mimi Doringo, at Amirah Lidasan. Kinakatawan nila ang iba’t ibang demokratikong sektor at kanilang pakikibaka para sa karapatan at kagalingan.
Pinangungunahan naman ni Atty. Neri Colmenares ang Bayan Muna Party-list, ni dating Rep. Sarah Elago ang Gabriela Women’s Party, ni dating Rep. Antonio Tinio ang ACT Teachers Party-list at Atty. Renee Co ang Kabataan Party-list.
“Kailangan natin ng oposisyon ng bayan sa susunod na Kongreso,” ayon kay Reyes. Sa harap umano ng tumitinding krisis sa ekonomya, impeachment ni Vise President Sara Duterte, paglilitis ng International Criminal Court kay dating pangulong Rodrigo Duterte, patuloy na paglabag sa karapatang-tao, pagyurak sa pambansang soberanya at marami pang isyung panlipunan, ay walang maaasahan ang sambayanang Pilipino sa mga Marcos o Duterte para itaguyod ang kanilang kagalingan.
Dagdag pa niya, ipinakita ng magkabilang partido na binuo lamang ang kani-kanyang hanayan ng mga kandidato sa pagkasenador para sa sariling interes. “Kinakailangan ang isang oposisyon ng bayan para matiyak na mayroon tayong boses sa Kongreso,” pagdidiin niya.
Sa nagdaang mga buwan, sumagupa ang mga kampanyador at partido ng Makabayan sa kampanyang dominado ng naghaharing mga paksyon at dinastisya sa pulitika. Kumaharap ang koalisyon sa matinding panunupil, panggigipit at Red-tagging mula mismo sa mga pwersa ng estado sa kumpas ng National Task Force-Elcac.
Ayon sa Makabayan, isasagawa nito ang pambansang miting de avance sa Mayo 1 ng hapon sa Quezon City. Mayroong panrehiyong pagtitipon at aktibidad ang koalisyon sa Southern Tagalog, Bicol at Negros sa araw ding iyon.