Ika-80 kaarawan ni Duterte, ginunita sa pamamagitan ng pag-aalala ng kanyang pinakamalalang krimen
Nagtipon sa Liwasang Bonifacio ang mga myembro ng progresibong grupo noong Marso 28 para magtirik ng kandila, hindi para gunitain ang kaarawan ni Rodrigo Duterte kundi para alalahanin ang pinakamalalala niyang krimen laban sa sambayanang Pilipino. Panawagan nila ang hatulang may sala si Duterte ngayong hawak na siya ng International Criminal Court para sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan. Umaasa silang aarestuhin na rin ang siyam pang kasapakat ni Duterte sa mga krimeng ito, laluna si Ronaldo Bato de la Rosa, at iba pang berdugong mga hepe ng pulis.
Pangunahing kalahok sa pagkilos ang mga pamilya ng mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang, mga magsasakang nagmula sa kampuhan sa harap ng Department of Agrarian Reform, mga estudyante, guro, at iba pa.
“Marami kaming naghihintay ng hustisya para sa mga mahal naming napaslang noong pangulo ka pa. Nasa unang hakbang pa lang ng pagpapanagot ang sinapit mo,” pahayag ni Nanay Dahlia, isa sa mga ina ng mga biktima. “Sa totoo lang ang edad mong 80 ay sobra sobra kumpara sa mga edad ng mga anak naming napaslang dahil sa iyong gera kontra droga.”
Isa pa sa mga nanay ng biktima, si Nanay Emily Soriano, ay nagdiwang din ng kaarawan niya sa parehong araw. “Pareho kami ng araw ng kaarawan ni Duterte ngunit magkaiba ang aming kahilingan sa araw na ito. Tiyak gusto ni Duterte na lumaya siya sa kulungan sa ICC, The Hague. Samantalang ako, ang kahilingan ko sa aking kaarawan ay Hustisya. Mapanagot at ma-convict ang may kaarawan na si Duterte. Mapalad pa din ang pamilya ni Duterte na may tatawag sa kanya ng Papa, samantalang sa amin wala ng tatawag ng Mama, Tatay, Ate, Kuya dahil wala na sila. Pinaslang sila ng ‘gyera kontra droga,” aniya.
“Hindi natin ipinagdiriwang ang kaarawan ng isang mamamatay-tao,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno. “Ang mga kandila natin ay simbolo ng nagpapatuloy na paglaban hanggang makamtan natin ang ganap na hustisya.” Panawagan ng KMU, kasama ang iba pang grupo ang “Duterte panagutin!” kasabay ng pagsingil kay Ferdinand Marcos Jr at pagpapatalksik kay Sara Duterte.
“Pinapapanagot siya ng mga manggagawa sa mga polisiyang lalong nagpahirap sa buhay ng manggagawa’t mamamayan,” ayon sa KMU. “Pinapapanagot siya ng mga manggagawa sa pamamaslang niya sa 68 na manggagawa, unyonista, at organisador na isinulong ang karapatan at kagalingan ng mga manggagawa sa harap ng kahirapang idinulot ng kanyang rehimen.”
“Ang paghahari ni Duterte ay maaalala sa walang humpay na paglabag sa karapatang-tao, mga extrajudicial killings, at sistematikong pang-aapi sa mga pinagsasamantalahang sektor, lalo na sa kababaihan, kabataan, at mahihirap,” ayon sa Gabriela. “Ito rin ay panahon ng malubha at malawakang karahasan at paglabag sa karapatan ng kababaihan, seksismo, at misogyny―na pinalaganap mismo ni Duterte. ”
Anito, hindi simpleng insulto ang mga salita ni Duterte sa kababaihan kundi aktwal na nagbigay ng lakas ng loob sa mga nasa kapangyarihan, higit lalo sa pulis at militar, na labagin ang mga karapatan ng kababaihan saanman sa bansa nang walang pananagutan.
Lumahok din sa pagkilos ang mga katutubong mamamayan sa ilalim ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas. Para sa kanila, nangunguna sa mga krimen ni DUterte ang malawakang pambobomba sa Marawi City na dumurog sa syudad at nagpalayas ng daan-daang libong mga residente.
Naroon din ang mga tsuper at opereytor ng mga tradisyunal na dyip, na walong taon nang lumalaban sa huwad na “modernisasyon sa transportasyon” ni Duterte na nagtulak para sa jeepney phaseout para maagaw ng malalaking kumpanya ang kanilagn mga ruta at bigyan-daan ang pagtatambak ng luma pero mamahaling mga imported na “modernong dyip.”
Lumahok din ang mga kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan sa pagkilos.
“Sa araw na ito, tayo ay tumitindig para igiit ang hustisya para sa lahat ng kanyang biktima hindi lamang sa Oplan Tokhang, kundi pati na rin sa lahat ng porma ng extrajudicial killings, pambobomba, panggigipit, pagpapahirap, at pagpapakatuta sa dayuhan,” pahayag ni Liza Maza, presidente ng koalisyon at isa sa mga kandidato pagkasenador nito.
Sa ibayong dagat, inilunsad ng Bayan-Europe ang Duterte Panagutin Campaign Network sa The Hague, The Netherlands noon ding Marso 28. Nagpahayag ng pakikiisa dito ang mga pambansa-demokratiko at iba pang organisasyon sa Germany, Belgium, The Netherlands, Rome at iba pang bansa sa Europe.
Kinwestyon ng mga migranteng manggagawa ang panawagan ng kampong Duterte para sa “Zero Remitance Week” o pagtigil ng pagpapadala ng pera ng mga OFW sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas bilang porma ng pagsuporta kay Duterte.
Sa halip, nanawagan sila ng suporta para sa karapatan at kagalingan ng mga OFW, at hindi para sa isang mamamatay-tao.