Iligal na pagbabakod sa isang komunidad sa Oriental Mindoro, kinundena
Kinundena ng Samahan ng mga Magsasaka sa Guinobatan (SMG) at Mindoro Forum Network (MFN) ang iligal na pagbabakod ng isang korporasyon sa Barangay Guinobatan, Calapan City, Oriental Mindoro noong Marso 27. Bilang protesta, naglunsad ng prayer rally ang higit 100 magsasaka sa Calapan City Hall noong Marso 28 ng gabi para manawagan sa lokal na gubyerno na pigilan ang pagbabakod.
Ayon sa MFN, dumating noong Marso 27 ng umaga ang mga tauhan ng MENAKOR Corporation at sapilitang nagtayo ng bakod sa bisa ng barangay clearance na nagpapahintulot dito. Inaangkin ng MENAKOR, na pagmamay-ari ni Jolly Lim Ting, ang 158 ektaryang sakahan.
Reklamo ng mga residente, walang isinagawang wastong konsultasyon sa kanila ang mga upisyal ng barangay. “Nagulat na lang kami, nagbabakod na sila. Sinasabi nilang may clearance sila galing sa barangay pero hindi man lang kami kinonsulta tungkol diyan,” ayon kay Fely Macalalad, pangulo ng SMG.
Ang pagbabakod ay lubhang makakaapekto sa lupa, kabuhayan at tirahan ng mga residente ng barangay. Giit ng SMG, ilang henerasyon na ng mga pamilya ng magsasaka at residente ang nanirahan at nagtrabaho sa lupang pang-agrikultura.
Ayon sa SMG, 1998 pa nang magsimulang ipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasaka ng Guinobatan ang Certificate of Land Ownership Award o CLOA. Ngunit sa taon ding iyon hanggang sa kasalukuyan, patuloy na nararanas at nahaharap sa pang-aagaw ng lupa ang mga magsasaka ng Guinobatan. Nasa tinatayang 600 pamilya ang maaapektuhan ng pang-aagaw at pagpapalayas.
Tinapos ng SMG ang kanilang pagkilos sa tapat ng city hall sa sama-samang pagtitirik ng kandila bilang simbolo ng kanilang hindi nawawalang pag-asa para kamtin ang demokratikong karapatan at tunay na reporma sa lupa.