Iligal na pagkukwari sa Zambales, inirereklamo

,

Inireklamo ng grupo ng mga tagapagtanggol ng kalikasan na Zambales Ecological Network (ZEN) ang iligal na pagkukwari sa dagat ng mga bayan ng San Narciso at San Felipe na kanilang napansin kahapon, Enero 24. Anila, dalawang aggregate carrier at isang dredger ang nasa dagat at nagkukwari ng buhangin na gagamitin sa reklamasyon sa Manila Bay.

Napag-alaman ng ZEN na ang nagsasagawa ng pagkukwari ay ang mga barkong Ly 7, Yong Xin 1, at isang cargo, na pawang nakarehistro sa Sierra Leonne, bansa sa Africa. Anila, walang nakarehistrong Ore Transport Permits (OTP) at iba pang kinakailangang mga dokumento sa naturang mga barko.

“Ito ay purong kasakiman ng ating mga lokal na upisyal. Ang hindi awtorisadong pagkukwari ay lubhang hindi kaugnay sa tinatawag ng gubernador at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na rehabilitasyon sa ilog,” ayon sa ZEN.

Sa katunayan, anila, walang ilog ang isinasaayos sa mga operasyong ito. “Ang ating mga seabed, ang marine environment at ang ating mga sagradong fishing ground ay nawawasak at nasisira ngayon para lamang magtayo ng mga pook aliwan para sa mga mayayaman,” ayon sa grupo.

Ang kinukwari na buhangin na gagamitin sa reklamasyon sa Manila Bay ay para sa itatayong malalaki at grandyosong casino at iba pang malalaki at nagtatayugang mga gusali at establisyementong negosyo. Isinulong at sinimulan ito sa panahon ng dating rehimeng Duterte.

“Tutol sa iligal na pagkukwari ang mga may-ari ng resort, mga trabahante dito, mga nag-aari ng lupa at mga mangingisda,” ayon pa sa ZEN.

AB: Iligal na pagkukwari sa Zambales, inirereklamo