‘Ilitaw ang Taytay 2’, ‘Palayain ang Mansalay 2’, sigaw ng mga katutubo

,

Nagprotesta ang mga grupo ng pambansang minorya at kanilang mga tagasuporta sa Commission on Human Rights sa Quezon City noong Mayo 5 para ipanawagan ang pagrespeto sa karapatan ng mga tagapagtaguyod ng karapatan ng katutubo na dinukot at iligal na inaresto ng mga pwersa ng estado sa nagdaang buwan.

Nanawagan ang mga grupo na ilitaw ang Taytay 2 na kinabibilangan ni Gene Rox Jamil “Bazoo” de Jesus, myembro ng Philippine Task Force for Indigenous Peoples (TFIP), at Dexter Capuyan, isang katutubong Bontoc-Ibaloi-Kankaney na limang dekada ng nakikibaka sa Cordillera. Sila ay hinihinalang dinukot ng mga pwersa ng estado noong Abril 28 habang papunta sa Taytay, Rizal para magpa-ospital si Capuyan.

Kagyat na pagpapalaya naman ang panawagan nila sa Mansalay 2 na sina Arnulfo Aumentado at Mary Joyce Lizada na mga miyembro ng Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK), ang panrehiyong organisasyon ng mga katutubo ng Timog Katagulagan. Ang dalawa ay dinukot ng mga ahenteng militar noong Abril 24 sa Mansalay Oriental Mindoro at kalaunan ay inilitaw ng militar na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.

Ayon kay Eufemia Cullamat, tagapagsalita ng Sandugo – Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination, “ang pagkukulong kina Mary Joyce at Arnulfo at pagkawala nina Dexter at Bazoo ay patunay na nagpapatuloy at tumitindi ang atake sa pambansang minorya at human rights defenders sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr.”

Giit pa ni Cullamat, “maliban sa minana (ni Marcos Jr) sa kanyang ama, ang panlilinlang sa mga katutubo, pandarambong sa lupang ninuno, at kultura ng pagpatay ay ipinagpapatuloy at sumusunod sa yapak ng kriminal na si Rodrigo Duterte.”

Sangkot din umano sa mga krimeng ito sa mga katutubo ang National Task Force-Elcac na pangunahing nanreredtag sa mga lehitimong organisasyon na humahantong sa iligal na pagdakip, pagkulong base sa mga gawa-gawang kaso, pagpatay, at iba pang porma ng panunupil at pandarahas sa mamamayan.

Samantala, inilantad ng Karapatan-Southern Tagalog ang kasinungalingan ng mga sundalo ng 2nd ID na “maayos” nilang tinanggap ang pamilya, abogado, at human rights team sa kanilang kampo na naroon para bisitahin sina Aumentado at Lazada. Ang katotohanan, anang grupo, paulit-ulit na pinigilan at ginipit ang mga kaanak at paralegal ng Karapatan-Southern Tagalog sa pagbisita nito.

Anang grupo, “naglabas pa sila ng mga litrato na nagtatanim at kumakain ang pamilya at abogado, may kasama pang tarpaulin na ginagamit ang opisyal na logo ng Karapatan Southern Tagalog nang walang pahintulot sa aming grupo.”

Salaysay nila, noong Abril 30, pinaghintay sa gitna ng init ang ama ni Lizada at hindi rin pinakikinggan ang Karapatan sa kanilang kahilingang makabisita. Noong Mayo 2 naman, binalak pa ng militar na paghintayin nang limang oras ang pamilya.

Himutok nila, “pilit niyo pang hinihiwalay ang pamilya sa kanilang abogado, at kailangan pang makipaggitgitan sa inyo para lang galangin ninyo ang karapatan ng pamilya at detinado.”

AB: 'Ilitaw ang Taytay 2', 'Palayain ang Mansalay 2', sigaw ng mga katutubo