ILPS-United Kingdom, itinatag
Itinatag ng mga organisasyong demokratiko at anti-imperyalista sa United Kingdom ang balangay ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) sa bansa noong Oktubre 6 sa Goldsmiths University, London. Ang ILPS-United Kingdom (UK) ang pinakahuling balangay na nabuo mula nang naitatag ang anti-imperyalistang liga.
Pinangunahan ng mga kasapi ng London Philippine Solidarity-Friends of the Filipino People in Struggle (LPS-FFPS), Anakbayan UK at mga boluntir ang pagtatatag sa balangay. Inabot nila ang pinakamaraming bilang ng anti-imperyalistang organisasyon at demokratikong kilusan sa London at naghanda para sa pisikal na pangangailangan sa asembliya.
Dumalo sa asembliya ang 35 katao mula sa Anakbayan UK, LPS-FFPS, Migrante UK, Palestinian Youth Movement, Nijjor Manush, The R.O.T Collective (dating kilalang The Rights Collective), Anti-Imperialist Front UK, Union of Cypriots-UK, at PRIDE Library Manchester. Dumalo rin ang ilang mga organisasyon na nagsilbing tagamasid sa aktibidad kabilang ang United Voices of the World, Sekolah Merdeka, at mga kasapi ng Anti-Colonial Alliance.
Ibinahagi ng LPS-FFPS sa pambungad na talumpati nito ang pangangailangang magbuo ng pagkakaisa sa mga organisasyon para suportahan ang mga kilusan ng pambansang pagpapalaya sa buong mundo. Nagpadala rin ng delegado sa asembleya ang ILPS-Europe. Ibinahagi nito ang pagbati sa bagong-tatag na balangay at ang tagumpay sa pagtatayo ng mga balangay ng liga sa Belgium at Netherlands kamakailan. Dumalo rin dito si Victor Garces, ILPS Vice Chair for Internal Affairs.
Muling magtitipon ang ILPS-UK at mga organisasyon sa ilalim nito para ipormalisa ang istruktura ng organisasyon at italaga ang kalihiman ng balangay ng liga.
Ang balangay ay naitatag apat na buwan matapos ang ika-7 internasyunal na asembliya ng ILPS na isinagawa sa Malaysia noong Hunyo. Itinulak ng naturang asembliya ang muling pagpapalakas sa iba’t ibang panig ng mundo.