Imbestigasyon kaugnay ng El Niño sa Ilocos Norte, ginipit ng mga pulis

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Arbitraryong kinumpiska ng lokal na pulis ang mga questionnaire ng Alyansa ng mga Magsasaka sa Ilocos Norte (AMIN) na nag-aalam sa kalagayan ng komunidad ngayong panahon ng El Niño sa Barangay Puzol, Pinili noong Mayo 10. Ayon sa AMIN, nagpunta ang mga upisyal ng pulis na sina PSSG Russel A. Si Cabie at Francis Tabladillo sa bahay ng isang residente ng barangay kung saan kinumpiska ang mga dokumento.

Kinundena ng AMIN ang panunupil ng mga pulis sa aktibidad at mga residente sa naturang barangay. Giit nila, nais lamang nilang alamin ang saklaw ng epekto ng tagtuyot at tag-init ngayong panahon ng El Niño.

“Malinaw na isa itong porma ng harassment, kung saan ang sariling mga inisyatibo ng mga mamamayan ay pinigilan ng pulisya,” ayon sa grupo. Lantarang pakikialam at pagkubabaw din umano ito sa awtoridad ng lokal na mga upisyal ng barangay na kaugnayan ng mga magsasaka.

“Kaya tinatanong namin ang Pinili Municipal Police, bakit ba pinigilan ninyo ang mga inisyatibo ng mga magsasaka ng Pinili?!” galit nilang tanong. Panawagan nilang itigil na ng pulis at armadong pwersa ng estado ang anumang porma ng panunupil sa kanilang mga demokratikong aktibidad laluna ang pagtutulungan ngayong panahon ng El Niño.

Sa konserbatibong tala ng gubyerno, hindi bababa sa 11,815 pamilya sa 178 barangay ng 20 bayan at syudad ang apektado ng tag-init at tagtuyot sa Ilocos Norte. Nakapailalim ang dalawang bayan ng prubinsya sa “state of calamity.”

Sa buong bansa, umabot na sa ₱6.35 bilyon ang pinsalang dulot ng tagtuyot kung saan pinakamataas ang sa sektor ng palay na ₱3.3 bilyon. Apektado ng salanta ang may 112,000 ektaryang lupang pang-agrikultura kung saan tuluyang napinsala ang aabot sa 30% nito.

AB: Imbestigasyon kaugnay ng El Niño sa Ilocos Norte, ginipit ng mga pulis