Inaagaw na lupa sa Taytay, Rizal, iligal na binakuran
Iligal na nagtayo ng bakod ang hindi bababa sa 40 na gwardya ng BFFHAI Patrol at D’Virthus Security and Investigation Agency sa Simona Compound, San Isidro, Taytay, Rizal noong Abril 22. Tinututukan at kinakasahan nila ng baril ang mga residente para pigilan silang makapasok sa lugar. Kinakailangang tumawid ng ilog o gumapang sa ilalim ng bakod ang mga residente para makauwi sa kabahayan.
Bago nito, iligal na giniba ng mga gwardya ang anim na bahay sa Simona Compound noong Abril 19. Isang residente ang nasaktan dahil sa pagtatanggol niya sa kanyang bahay. Ayon sa mga gwardya, lupa daw ng PCSO ang compound pero wala naman silang maipakitang dokumento.
Tinangkang bisitahin ni Raoul Manuel, kinatawan ng Kabataan Partylist, kasama sina Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party,at Mimi Doringo, parehong kandidado pagkasenador ng Makabayan noong Abril 23 ang Simona Compound. Hindi sila pinapasok ng mga gwardya.
Tinipon na lamang ng mga myembro ng Makabayan Rizal ang mga apektado ng demolisyon para sa isang konsultasyon. Nanawagan si Doringo sa mga residente na magkaisa upang masolusyunan ang mga isyu na nakakaapekto sa kanilang komunidad. Pinaliwanag rin niya kung gaano ka-epektibo ang malakas na kampanyang masa para magiit ng mga mamamayan ang kanilang karapatan para sa makataong relokasyon at proyektong pabahay para sa mahihirap.