Balita

Inaresto na "NPA No. 1 Most Wanted" sa Bicol, tauhan ng militar—BHB-Masbate

Pinasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) ang balita at pahayag ng Police Regional Office Bicol (PRO-5) na naaresto nila ang “NPA No. 1 Most Wanted” sa rehiyon noong Agosto 5. Iniulat ng mga pulis na naaresto si Boboy Goyala alyas Jake/Gerome sa Barangay Cawayan Exterior, Masbate City sa patung-patong na mga kaso.

Ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate, si Goyala ay isang dating Pulang mandirigma sa prubinsya na nag-AWOL (absence without leave) dala ang isang armalayt at isang KG9 at mga granada noong 2023. Isang taon makalipas, sumurender si Goyala sa reaskyunaryong estado sa pamamagitan ni Masbate City Mayor Atis Tuazon at naging bayarang pribadong maton ng pulitiko at tau-tauhan ng militar at pulis.

Dagdag pa ng tagapagsalita, nang matalo si Tuazon sa eleksyong 2025 ay lumipat ng poder si Goyala tungo kay Baleno Mayor Marites Delarosa. Noong Hunyo 10, kabilang si Goyala sa ipinangalandakan ni Lt. Col. Francis Espiritu, kumander ng 96th IB, sa mga sumuko na BHB sa bayan ng Baleno.

“Nakakatawang isiping tila pinalalabas pa ng militar at pulis na aktibo pa ring kasapi ng hukbong bayan si Goyala sa mga isinampa nilang kaso laban dito,” pahayag ni Ka Luz. Si Goyala ay inaresto ng mga pulis sa kaso ng bigong pagpaslang, apat na bilang ng pagpaslang, dalawang bilang ng tangkang pagpaslang, at dalawang kaso ng paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Ayon kay Ka Luz, sa kabila na batid na batid ng pulis at militar na matagal na nilang surenderi si Goyola at sa katunayan maamo nilang tuta ay inaresto pa rin siya. “Dahil pinapayagan nito ang militar at pulis na makailang ulit siyang gamitin upang makamal ang pondong nakalaan sa pakanang programang balik-loob ng reaksyunaryong gubyerno,” dagdag niya.

Aniya, malinaw na ipinakikita ng insidente na hindi tunay at maaasahan ang programa ng reaksyunaryong gubyerno sa “pagpapasurender” dahil hindi totoong napapasakamay ng mga surenderi ang pondo para umano sa pagpapanibagong buhay ng mga ito. “Sa halip, kinakasangkapan lang ng militar at pulis ang mga surenderi upang paghatian at maibulsa nila ang ilandaang-libong pondo at naging di natutuyong bukal ng kanilang kurakot ang naturang programa,” pahayag pa ni Ka Luz.

Paliwanag pa ng tagapagsalita, alam na alam ng masang Masbatenyo ang iskemang ito ng militar at pulis laluna at marami sa masang magsasaka at mga sibilyan ang sapilitang pinasusuko para kubrahin ang pabuya at pondo. Nanawagan ang BHB-Masbate na tuluy-tuloy na ilantad ang panloloko ng militar at pulis at batikusin sa kanilang korapsyon.

AB: Inaresto na "NPA No. 1 Most Wanted" sa Bicol, tauhan ng militar—BHB-Masbate