Palabas ng PNP-Valenzuela City na "pagsuko" ng 2 kasapi ng Anakbayan, binatikos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng grupong Defend CAMANAVA ang sinasabing “pagsuko” sa pulis sa Valenzuela City ng dalawang nagdeklarang kasapi ng Anakabayan noong Abril 17. Anang grupo, malinaw na black propaganda lamang ang palabas na ito laban sa Anakbayan, at na “malisyoso” ang sinasabing “nagbalik-loob.”

Sa pinalabas na ulat ng mga pulis, “sumuko” ang nagngangalang “Anie”, 23, at “Reylin”, 25, mga residente ng Valenzuela City na umano’y apat at talong taong naging mga kasapi ng Anakbayan. Dagdag pa ng mga pulis, ang pagsuko ng dalawa ay bunga ng “special intelligence operation” ng PNP-Valenzuela City at Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR).

Sa “salaysay” ng mga “sumuko,” pinangakuan sila ng Anakbayan ng mga pabahay at tulong pampinansya ngunit tanging puyat, pagod at gutom lamang ang sinapit nila sa grupo. Nagsisi umano silang sumali pa sa Anakbayan.

Bwelta ng Defend CAMANAVA, “hindi nangangako ang nasabing organisasyon ng libreng pabahay at tulong pampinansya dahil ang punto ng pagiging kasapi nito ay maintindihan at iwaksi ang mga ugat ng kahirapan at bumaklas sa pyudal na kinasanayan.” Wala din sa programa at konstitusyon ng naturang organisasyon ang mag-alok ng kung anu-anong mga bagay para hikayatin ang mga kabataang sumali dito, ayon sa grupo.

Paninindigan ng grupo, malisyoso ang ginawang “pagpapasuko” sa dalawa at higit lalo ang pagpapailalim sa kanila ng mga pulis ng syudad sa programang “balik-loob” na alok ng gubyerno para sa mga kasapi ng armadong rebolusyonaryong kilusan. Itinutulak ito ng JTF-NCR at National Task Force (NTF)-Elcac na kapwa binuo sa ilalim ng Executive Order No. 70 na nilagdaan noong 2018 ng rehimeng Duterte.

Iginiit ng grupo na isang lehitimong organisasyon ang Anakbayan at hindi dapat “pinasusuko” ang mga kasapi nito ng mga pwersa ng estado. Ang Anakbayan ay itinatag noong Nobyembre 30, 1998 at kabilang sa mga nanguna sa makasaysayang EDSA 2 noong 2001 at iba pang mga kampanya sa pagtataguyod sa karapatan ng mga kabataan.

“Ang nasabing post ng mga kapulisan at JTF-Elcac ay hindi na bago, hindi na bago ang pangmamanipula nila sa (isip ng) sambayanan,” dagdag pa ng Defend CAMANAVA.

Karaniwan nang taktika ng mga pwersa ng estado, sa kalunsuran at higit lalo sa kanayunan, ang pagpaparada sa mga sibilyan bilang “sumukong” mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan para palabasin ang kanilang pagkapanalo laban sa rebolusyonaryong kilusan. Kamakailan, muling idineklara ng rehimeng Marcos ang target nitong tuluyang gapiin ang rebolusyonaryong kilusan sa pagtatapos ng 2024.

Ang pagdadawit sa mga sibilyan sa armadong rebolusyonaryong kilusan ay naglalagay sa kanila sa kapahamakan. Seryosong paglabag ito sa internasyunal na makataong batas. Sa halip na walang-batayang pagpaparatang, dapat silang bigyan ng proteksyon at garantiya sa kanilang mga karapatan.

AB: Palabas ng PNP-Valenzuela City na "pagsuko" ng 2 kasapi ng Anakbayan, binatikos