Ipinaradang 10 kasapi ng NPA mula sa bayan ng Uson, peke at isang malaking kasinungalingan ng AFP at PNP
Nakakasulasok na kasinungalingan ang ibinandera ng 9th ID at 903rd Bde sa sosyal midya at istasyon ng Brigada Sorsogon na nagparada ng umano’y sampung (10) kasapi ng NPA sa Masbate na kusang sumuko dahil sa takot ng magkakasunod na engkwentro sa nagdaang buwan ng Hulyo 2025. Totoong mula sa bayan ng Uson, subalit, kung hindi matagal nang mga laylo sa rebolusyonaryong kilusan, mga dating surenderi at aktibong mga tuta ng 2nd IB ang naturang mga ipinarada nitong mga nagbalik-loob sa gubyerno. Ilan din sa kanila ay mga sibilyan na napilitang sumuko dahil sa walang habas na panggigipit at pambabanta ng militar at pulis sa kanilang buhay. Kaya nakapagtataka kung saan galing ang mga ipinakita nilang mga armas na umano’y isinuko ng mga ito.
Mariin ding pinabubulaanan ng Jose Rapsing Command-NPA Masbate ang pahayag ng 9th ID na may tatlong (3) sumuko mula sa Barangay Guindawhan sa bayan ng Pio V. Corpus. Walang katotohanan ang naturang balita!
Ang hindi malinaw na paglalabas ng imahe sa mga bidyu ay patunay sa takot ng militar at pulis na malantad sa publiko ang kanilang mga tinahing mga kasinungalingan. Takot silang makilala ng mga kababaryo o kabarangay ang kanilang mga pekeng surenderi na ginagawang puhunan ng kanilang pangungurakot sa pondo ng programang balik-loob ng gubyerno.
Hindi rin maitatanggi na bingi at bulag ang mga pulitiko dahil sa halip na ipagtanggol ang kanilang mga nasasakupan na hindi magamit sa mga pakanang pagpapasuko ng mga militar at pulis ay nakikipagsabwatan pa ang mga ito. Nakikipagkaisa sila sa pakanang pagpapasuko sa mga sibilyan at mga dating mga surenderi upang palabasing tinatalikuran na ng mga pulang Hukbo at masang Masbatenyo ang armadong paglaban. Higit sa lahat, upang maibulsa ang pundo ng bayan na ilinaan sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o ECLIP ng reaksyunaryong gubyerno. Na walang kahiyaan at konsensyang patuloy na hinuhuthot at pinaghahati-hatian ng militar at pulis.
Ang malawakang korapsyon sa pundo ng ECLIP mismo ay malinaw na nagpapakita sa kainutilan at kawalan ng tunay na hangarin ng reaksyunaryong gubyerno na mabigyan ng masagana at mapayapang buhay ang masang Masbatenyo. Ang mga pakanang programang ito at pangungurakot ng militar at pulis ang higit pang nagpapamulat at nagpapaunawa sa mamamayan na hindi nakasalalay sa pagsuko o pagbalik-loob sa pamahalaan makakamit ang kanilang hinahangad na kapayapaan, kasaganaan at kalayaan sa kanilang bayang minamahal. Sa halip, mas higit silang natutulak na suportahan ang armadong paglaban, tanganan ng mas mahigpit ang kanilang mga armas at patuloy itong iasinta sa kalaban—ang mga pasista at uhaw sa dugong mga pwersa ng AFP at PNP higit sa lahat, sa reaksyunaryong estado!
May panlulumo man dahil sa pagkawala ng iilang kasamahan, hindi natitinag at sa halip, higit pang nag-aalab sa mga puso ng mga pulang Hukbo sa Masbate na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga kasama at masa. Taimtim na isinusumpa ng lahat ng kasapi ng BHB sa ilalim ng Jose Rapsing Command na hindi mawawalan ng saysay ang buhay na ibinuhis ng mga kasama at masa sa Rebolusyon.
Ang ipagtanggol at pangalagaan ang karapatan, kabuhayan at buhay ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Pawiin ang pagsasamantala at pang-aapi na ihinahasik at winawasiwas ng reaksyunaryong gubyerno ni Bongbong Marcos Jr, AFP at PNP at lahat ng reaksyon. Ang maipagtagumpay ang armadong paglaban ng mamamayan at wasakin ang salot na imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo at itayo ang sosyalistang lipunan ang nananatiling dakilang layunin ng mga magigiting na pulang Hukbo at mamamayang lumalaban!