Balita

Inarestong pastor sa Bohol sa ilalim ng rehimeng Duterte, nakalaya na

, ,

Nakalaya mula sa halos apat na taong pagkakakulong ang pastor ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) na si Rev. Nathaniel “Pastor Dodo” Vallente kahapon, Oktubre 28, matapos magpyansa para sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions. Kasunod ito ng pagbasura ng kaso ng isang korte sa Bohol noong Setyembre 6.

Si Pastor Vallente ay inaresto noong Hunyo 25, 2021 sa Barangay San Jose, Mabini, Bohol batay sa mga itinanim na ebidensya. Sa salaysay ng kanyang mga kaanak, sinugod at sapilitang pinasok ng higit 70 pwersa ng estado ang bahay ng biyenan ng pastor. Pinalabas na nakuha dito ang isang granada at apat na .45 kalibreng pistola.

Ikinalugod ng Karapatan-Central Visayas ang naging desisyon ni Bohol Regional Trial Court Branch 51 Presiding Judge Jorge Espinal na tumangging kilalanin ang itinanim na ebidensya. “Kinilala ng kanyang desisyon ang kawalan ng matibay na ebidensya sa likod ng inimbentong kaso,” pahayag ng grupo.

Si Pastor Vallente ay isang ministro ng UCCP sa nakaraang higit 30 taon. Mahigpit siyang katuwang ng mga magsasaka sa kanilang pakikibaka para sa karapatan sa lupa at disenteng pamumuhay. Tumutulong rin siya sa mga lokal na organisasyong pangkaunlaran para itaguyod ang kagalingan ng mga magbubukid. Nagsilbi siyang tagapayo sa Nagkahiusang Mag-uuma sa Mabini-Hugpong Mag-uumang Bol-anon (NAMASAJO-HUMABOL).

Liban sa kaso ng pastor, iniulat rin ng Karapatan-Central Visayas ang pagkatig ng parehong hukom sa petisyon para sa “demurrer to evidence” na inihain nina Cleofe Lagtapon, Emmylou Cañares, at Alvin Fortaleza kaugnay ng kasong pagpatay noong Mayo 2018 sa Batuan, Bohol. Wala pang ulat kung nakalaya na rin ang tatlo mula sa kulungan.

“Ang mga ito ay tampok na tagumpay laban sa malupit na modus ng pasistang estado na supilin ang paglaban sa pag-iimbento ng walang batayan at mahinang mga kaso laban sa mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao,” ayon pa sa grupo.

Muling nanawagan ang grupo na ibasura ang lahat ng gawa-gawang kaso laban sa mga bilanggong pulitikal. Hiniyakat nito ang mga kapwa Pilipino na batikusin ang mga kasong ito at patuloy na sumuporta sa panawagang kalayaan sa mga biktima ng pampulitikang panunupil.

AB: Inarestong pastor sa Bohol sa ilalim ng rehimeng Duterte, nakalaya na