Internasyunal na grupo ng mga parlamentarista, sumuporta kay Rep. Castro

,

Naglabas ng pahayag ang Inter-Parliamentary Union (IPU), isang internasyunal na organisasyon ng mga parlamentarista, para suportahan si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro laban sa pagbabanta sa kanyang buhay ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Anang IPU, kinilabutan sila sa pagbabantang binitawan ni Duterte sa telebisyon laban sa isang parlamentarista.

“Kinukunsidera namin ang matitinding epekto nito sa buhay ni Rep. Castro… at mayroon din itong seryosong epekto sa pagganap sa tungkulin ng parlamento ng Pilipinas dahil maaaring sagkaan nito ang mga myembro na magsalita sa importanteng mga isyu,” ayon pa sa IPU.

Noong Oktubre 11, tahasang sinabi ni Duterte na “gusto niyang patayin” si Castro at mga katulad niya. Ginawa ni Duterte ang pahayag sa isang programa sa telebisyon ng Sonshine Media Network International na pag-aari ng alipures niyang si Apollo Quiboloy.

Hiniling din ng mga parlamentarista ng IPU na maging mabilis ang resolusyon sa kaso ng malalang pambabanta na isinampa ni Rep. Castro laban kay Duterte sa isang korte sa Quezon City noong Oktubre 24.

Dagdag dito, umaasa din ang IPU na kagyat nang mareresolba ang mga kasong kriminal na isinampa laban kina Castro, Bayan Muna President Satur Ocampo at 16 na iba pa kaugnay ng inilunsad nitong fact-finding mission sa isang paaralang Lumad sa Barangay Palma Gil, Talaingod, Davao del Norte noong Nobyembre 2018. Sinampahan ang 18 ng mga kasong trafficking, kidnapping at child abuse. Naibasura na ang ibang mga kaso liban sa child abuse.

Ikinalugod ni Rep. Castro ang desisyon at pahayag ng IPU. Aniya, “umaasa kaming makatutulong ito para mapabilis ang pagbabasura sa mga gawa-gawang kaso sa amin sa Talaingod,” ayon sa kanyang pahayag.

Anang IPU, nais nitong mabigyan ng karagdagang impormasyon at mga update sa hinaharap kaugnay ng mga kasong ito. Inilabas ng IPU ang panawagang ito matapos ang ika-147 asembleya nito noong Oktubre 23-27 sa Luanda, Angola.

AB: Internasyunal na grupo ng mga parlamentarista, sumuporta kay Rep. Castro