Balita

Ipinataw na buwis sa dayuhang serbisyong digital, iindahin ng mamamayang Pilipino

Tinutulan ng Bayan Muna (BM) ang bagong buwis na ipinataw ng rehimeng Marcos sa mga serbisyong digital, na sinasabing ipapasa lamang ng mga kumpanya sa mga Pilipinong konsyumer. Pinirmahan kahapon, Oktubre 2, ni Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12023, na nagtatakda ng 12% na value-added tax (VAT) sa mga dayuhang digital service providers.

“Hindi pasulong ang pagpataw ng 12% digitax sa mga kalakal at serbisyong digital,” ayon kay Atty. Carlos Zarate, pangalawang nominado ng BM. Sasaklawin ng bagong batas hindi lamang ang mga serbisyo tulad ng Netflix at Spotify, kundi pati ang mga serbisyong ginagamit ng mga paaralan tulad ng Canva at Zoom. Ang “basic subscription” ng Netflix, halimbawa, ay tataas nang ₱29.88, mula ₱249/buwan tungong ₱278.88. Ang Canva Pro ay tataas mula $12.99 tungong $14.55 kada buwan o $119.99 tungong $134.39 kada taon. Tinatayang tatabo ang rehimen ng ₱105 bilyon sa susunod na limang taon mula sa buwis na ito.

Ayon kay Zarate, hindi dapat nagpapataw ang administrasyong Marcos ng mga buwis tulad ng VAT na tatama sa maliliit na konsyumer. Sa halip, dapat aniya unahin ng rehimen ang pagpataw ng wealth tax (buwis sa yaman) sa mga oligarko at bilyonaryo na nagpapasasa sa limpak-limpak na kita mula sa ekonomya.

Pinirmahan ni Marcos ang RA 12023 sampung buwan matapos mangako ang noo’y bagong kalihim ng Department of Finance na si Ralph Recto na hindi magpapataw ng bagong mga buwis ang rehimen habang nasa pwesto ito. Sa kabila nito, hindi bababa sa lima pang panukalang dagdag na buwis ang kasalukuyang nakahain sa Kongreso.

Kinutya naman ng kabataan si Marcos dahil sa pagpapataw ng buwis habang hindi pa nababayaran ang ₱203 bilyong estate tax ng kanyang pamilya.

“Insulto sa mamamayang Pilipino ang lakas ng loob ni Marcos na magdagdag ng mga bagong buwis sa publiko habang nariyan ang hindi pagbabayad ng buwis (ng mga upisyal) sa matataas na andana ng gubyerno,” pahayag ng Anakbayan.

Habang dumarami ang ipinapataw na buwis sa mamamayan na labis na umaapekto sa mahihirap at panggitnang uri, lumiliit naman ang mga buwis na ipinapataw sa malalaking korporasyon at pinakamayayamang burgesya kumprador.

AB: Ipinataw na buwis sa dayuhang serbisyong digital, iindahin ng mamamayang Pilipino