Iskemang no pay, no work ng ahensya ng gubyernong Pilipino sa Taiwan, itinakwil ng mga migrante
Binatikos at itinakwil ng mga migranteng manggagawang Pilipino ang iskemang “no pay, no work” ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), ang upisina ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Taiwan. Ang iskema ay nakapaloob sa isang memo na inilabas ng ahensya noong Agosto 27. Alinsunod dito, pahihintulutan lamang ng rehimeng Marcos na maghanap ng trabaho o magpatuloy ng trabaho sa Taiwan ang mga manggagawang myembro at tuluy-tuloy na nagbabayad ng bayarin sa Overseas Workers Welfare Administration ($25 para sa dalawang taon), Social Security System (14% ng monthly salary credit na katumbas ng ₱560 hanggang ₱3,500 kada buwan) at Pag-ibig (minimum na ₱200/buwan).
Ginamit ng MECO ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng DMW at Pag-ibig para pwersahin ang mga migrante na magpamyembro at magbayad ng matataas na kontribusyon kada buwan.
“Itong napakatataas na singil na binabayaran ng mga OFW ay madalas na hindi naman nagiging garantiya para sa mga serbisyong kailangan nila,” pahayag ng Migrante International noong Setyembre 2. Katunayan, lunod na ang mga migrante sa napakaraming singil pero wala pa rin silang natatamasang proteksyon mula sa gubyerno.
“Extortion ito,” ayon kay Liza Maza, dating kinatawan ng Gabriela Women’s Party at kandidato ng Makabayan pagkasenador. “Napaka-walanghiya ng DMW na gawin itong rekisito sa mga OFW. Bilyun-bilyon na nga tinatabo ng ahensyang ito at ni Marcos Jr. mula sa mga OFW, dadagdagan pa ang mga bayarin. Ginagawa silang mga gatasang baka.”
Nanawagan ang Migrante International sa mga OFW na batikusin ang iskemang ito sa Taiwan, at itulak ang kagyat na pagtatanggal sa rekisitong mga bayarin. Kapag hindi ito napigilan, tiyak na ipatutupad ni Marcos ang iskemang ito sa mga bansang maraming OFW.
“Dapat kundenahin ng mga OFW ang rehimeng Marcos Jr sa pagparusa sa mga migrante sa pagkakait nito sa kanila ng trabaho at kabuhayan,” ayon sa grupo. Ang mga migrante ay mga manggagawang may mga karapatan, at hindi simpleng mga palabigasan, anito.