Itigil ang biglaang pagtaas ng singil sa kuryente ng Meralco—Makabayan

, ,

Binatikos ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang pagpapatupad ng Manila Electric Company’s (Meralco) ng dagdag na singil sa kuryente nitong linggo. Idinadahilan ng kumpanya ang pagsirit ng demand sa panahon ng matinding tag-init. Papatong pa ang taas-singil sa plano ng kumpanya na pagkulekta ng ₱7.9 bilyon na sinasabi nitong “under-recoveries” o di nabawing gastos.

Inihalintulad ni Rep. Brosas ang arbitraryong pagtaas sa singil sa “surge pricing” at iginiit sa kumpanya na kontrolin ang kanilang pagkagahaman.

“Talagang mag-iinit lalo ang ulo ng kababaihan at kanilang pamilya ngayong tag-init dahil sa surge pricing na ginagawa ng Meralco sa singil ng kuryente. Hindi naman ikalulugi ng Meralco kung tapyasan nito nang konti ang buwanang singil sa mga konsumer,” giit ni Rep Brosas.

Dagdag pasakit umano ito sa mga konsyumer lalo pa sa harap ng kawalan ng umento sa sahod ng mga manggagawa at mataas na presyo ng pagkain at ibang bilihin.

Sa pahayag ng grupo, sinabi nitong ang netong kita ng Meralco ay lumaki nang 40.5% tungong ₱9.05 bilyon noong unang kwarto ng taon mula ₱6.44 bilyon noong nakaraang taon.

Binatikos din ni Rep. Brosas ang planong pangungulekta ng Meralco ng ₱7.9 bilyon sa mga konsyumer sa tabing ng “under-recoveries” mula 2020 hanggang 2021.

“Yung tubo ng Meralco sa unang kwarto pa lamang ng 2023, sobra-sobra na para tapatan itong sinasabing under-recoveries. Kaya dapat na harangin ang plano nitong kolektahin pa ang ₱7.9 billion sa mga kostumer,” pahayag ni Rep. Brosas.

Ang Meralco ay pinatatakbo ni Manny V Pangilinan, na siya ring nagpapatakbo sa telekomunikasyong Smart, PLDT at maraming iba pang malalaking negosyo. Isa ito sa may pinakamalaking kinikita sa buong bansa batay sa listahan ng BusinessWorld sa nangungunang 1,000 korporasyon.

AB: Itigil ang biglaang pagtaas ng singil sa kuryente ng Meralco—Makabayan