Kaanak ng 2 aktibistang dinukot sa Nueva Ecija, nanawagan ng tulong

Nanawagan ng tulong sa publiko ang mga kapamilya nina Norman Ortiz at Lee Sudario, kasama ang grupong Karapatan, para sa kanilang paghahanap sa dalawang aktibista na dinukot ng mga ahenteng militar.

Ang mga aktibistng sina Sudario at Ortiz ay dinukot ng tinatayang 10 armadong pwersa ng estado noong Setyembre 29 sa Barangay Bantud, Gabaldon, Nueva Ecija. Ayon sa salaysay ng mga saksi, sapilitang isinakay ang mga biktima ng mga taong naka-unipormeng fatigue sa isang puting van sa pagitan ng ala-1 at alas-2 ng madaling araw. Nagtangka tumakas ang isa sa mga biktima ngunit nadakip siya at kinaladkad sa van.

Sa imbestigasyon ng mga kaanak sa naturang lugar, nakausap nila ang ilang residente at sinabing nagulat sila sa biglang pagtahol ng mga aso at sa presensya ng mga sasakyan sa kanilang liblib na komunidad.

Lumapit ang mga kamag-anak sa pulis pero itinuro lamang sila sa ibang mga upisina kung saan doon daw dapat magpa-blotter. Kasunod nito, nagpunta rin sila sa hedwkarters ng militar. Tumanggi ang mga pulis at militar na pumirma sa dala nilang Desaparecidos Form na magpapatunay na wala sa kustodiya nila ang mga biktima.

Dumulog na rin sila sa tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) noong Oktubre 10.

Ayon sa Karapatan-Central Luzon, si Sudario ay malaon nang binansagang “terorista” ng National Task Force-Elcac at 91st IB at mayroong “patong sa ulo” o pabuya sa makapagtuturo sa kanya. Sinampahan din siya ng patung-patong na gawa-gawang kaso at pinararatangang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

“Sana gaya ng kina Jhed at Jonila, ilabas din (nila) si kuya. Nag-aalala kami baka pinahihirapan siya, nag-aalala kami kung ligtas siya, kung buhay pa ba siya…,” pahayag ni Nica Ortiz, nakababatang kapatid ni Norman. Isinalaysay ng mga kapatid ni Ortiz na malaon na silang nakararanas ng panghaharas mula sa mga ahente ng estado.

“Maliwanag sa Geneva Conventions ng 1949 at mga kaakibat nitong Protocols, sa sariling batas ng bansa na Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, at kahit sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL, ang obligasyon ng estado,” pahayag ni Boy Cadano, tagapagsalita ng Karapatan Central Luzon. Giit nila, kasama ng pamilya, na kagyat na ilitaw at palayain ang dalawa.

AB: Kaanak ng 2 aktibistang dinukot sa Nueva Ecija, nanawagan ng tulong