Kampuhan kontra pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa sa Central Luzon, inilulunsad ng mga magsasaka
Mula Marso 24, nasa humigit-kumulang 300 magsasaka mula sa Central Luzon ang nakatipon sa labas ng gusali ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City para sa isang linggong kampuhan laban sa pagpapalit-gamit at pangangamkam ng lupa sa rehiyon.
Ang mga lupang pang-agrikultura sa rehiyon, na tinataguriang Kamalig ng Bigas ng Pilipinas, ay inilalaan na para sa imprastruktura, industriyal na gamit, mga proyektong real estate at para sa mga proyektong “renewable” na kapinsa-pinsala para sa mga magbubukid.
Isinagasa at pinatindi ang mga proyektong ito sa rehiyon sa balangkas ng programang Build, Build, Build (2017-2022) ng rehimeng Duterte at programang Build Better More (2023-2028) ni Marcos. Anila, nagreresulta ang mga ito sa malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka, at pagsira sa mga lupang sakahan.
Sa pangunguna ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), at Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), nanawagan sila sa DAR na magpataw ng isang moratoryum sa mga proyekto ng pagpapalit-gamit sa lupa, pagtigil sa pagbibigay ng permit sa mga aplikasyon, at pangangalaga sa karapatan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs). Nakipagdayalogo ang mga magbubukid sa mga upisyal ng DAR noong Marso 24 para ihapag ang kanilang mga hinaing.
Samantala, binatikos nila ang gubyerno sa tinatawag nilang “inhustisyang agraryo” sa bansa sa pagpapatupad nito ng mga patakarang pabor sa negosyo. Kabilang sa mga patakarang ito ang isinabatas na Rice Liberalization Law sa panahon ng dating rehimeng Duterte at pinababagsik ngayon ng rehimeng Marcos. Liban dito, nananatiling inutil ang patakaran sa reporma sa lupa ng gubyerno ng Pilipinas.
“Ang DAR, sa halip na protektahan ang mga ARVs, ay nagbibigay daan sa malalaking negosyo na agawin ang produktibong mga lupang sakahan,” ayon kay Ariel Casilao, tagapangulo ng UMA. Ayon naman kay Ka Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP at kandidato sa pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, “winawasak nila ang mga kabuhayan at lumilikha ng mga economic refugee sa ngalan ng kaunlaran para sa lokal at dayuhang mga negosyo.”
Nagpahayag ng suporta sa kampuhan ang mga grupo ng kabataan sa pangunguna ng National Network of Agrarian Reform Advocates Youth. Makikibahagi sila sa mga aktibidad sa kampuhan ng mga magsasakang mula sa Pampanga, Tarlac, Bulacan, at Zambales.