Balita

Kampuhan ng magsasaka ng Central Luzon, nagtapos sa pagkilos para panagutin si Duterte

,

Nagtapos ang 5-araw na kampuhan ng mga magsasaka ng Central Luzon sa protesta para panagutin si Rodrigo Duterte sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan. Lumahok sila sa pagkilos sa Liwasang Bonifacio na itinaon sa ika-80 kaarawan ni Duterte. Sa huling gabi nila sa kampuhan, nagsindi sila ng mga kandila para sa biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang ni Duterte.

Nanatili ang mga magsasaka mula sa Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura at kanilang mga tagasuporta sa harapan ng Department of Agrarian Reform simula Marso 25. Inihapag nila sa ahensya ang mga pakikibaka ng mga mangsasaka sa rehiyon laban sa malawakang pagpapalit-gamit sa mga lupang agrikultural, at para sa hustisya ng mga biktima ng karahasan ng estado.

“Ang pag-aresto ni Duterte sa ICC ay isang hakbang pasulong, pero di pa natatapos ang laban para sa katarungan,” ayon sa Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP. “Dapat harapin ni Duterte at ng kanyang mga kasabwat ang buong bigat ng katarungan. Hindi titigil ang mga Pilipino hangga’t hindi mananagot si Duterte sa kanyang mga krimen, lalo na ang libu-libong buhay na nawala sa ilalim ng kanyang brutal na rehimen.”

Binweltahan din ni Ramos ang pagtanggi ni Ferdinand Marcos Jr na isulong ang kaso laban kay Duterte na aniya’y salamin na kasabwat siya sa pagtatanggol sa dating presidente.

Sa huling gabi ng kampuhan, inilahad nila ang kanilang “regalo” kay Duterte sa anyo ng duguang kahon na may mga lobong tinadtad ng panawagan. Nagsisilbi itong paalala sa madugong legasiya ni Duterte na tinaguriang “Masaker King” ng mga magbubukid. Sa tala ng KMP, hindi bababa sa 22 ang kaso ng pagmasaker sa ilalim ng kanyang rehimen, liban pa sa libu-libong pinatay nito sa huwad na gera kontra-droga.

Kabilang sa mga martir ng Gitnang Luzon na inalala ng mga magsasaka ang dating pangkalahatang kalihim ng KMP na si Ka Joseph Canlas, na namatay sa panahon ni Duterte habang nakapiit sa gawa-gawang kaso.

AB: Kampuhan ng magsasaka ng Central Luzon, nagtapos sa pagkilos para panagutin si Duterte