Kampuhan sa DAR Negros Island, inilunsad ng mga magbubukid para sa lupa at karapatan
Tumagal ng dalawang araw ang isinagawang kampuhan ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng Negros Island sa panrehiyong upisina ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Bacolod City noong Enero 20-21. Inihayag nila sa ahensya ang tumitinding isyu ng pangangamkam ng lupa, kumbersyon ng lupa, at paglabag sa karapatan ng mga magsasaka sa isla.
Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Negros at National Federation of Sugar Workers ang pagkilos. Pangunahing itinampok sa kampuhan ang pinakahuling kaso ng tangkang pagpapalayas at pangangamkam sa lupang binubungkal ng mga magsasaka sa Hacienda Michaela sa Barangay Talotog, Murcia, Negros Occidental.
Ang 22-ektaryang lupa ay inaagaw ni Bonnie Ta-ala, may-ari ng Ta-ala Farms, Inc. Simula Enero 12, nagkampo ang mga armadong tauhan at ahente ng kumpanya para palayasin ang mga residente sa kanilang lupang sinasaka. Ayon kay Ta-ala, “nabili” ng kanyang kumpanya mula sa panginoong maylupa na si Arthur Bayona ang lupa.
Ayon sa Hacienda Michaela Farmers and Farmworkers Association, iligal ang pagbebenta sa lupa dahil sinaklaw ito ng pamamahagi ng gubyerno sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program. Noong 2009 pa sinasabing naglabas ng Notice of Coverage para sa lupa ang upisina ng DAR sa Negros Occidental.
Binatikos ng KMP-Negros ang kupad at kawalang tugon ng DAR sa hinaing ng mga magsaska. Anang grupo, patuloy lamang na pinatutunayan ng ahensya na mas kumikiling ito sa interes ng mallaking korporasyon at panginoong maylupa sa halip na sa mga magbubukid.
Noong Enero 20 ng gabi, nagtirik ng kandila ang mga magsasaka para manawagan ng hustisya sa pagpatay ng noo’y rehimeng Duterte sa lider-magsasakang si Alexander Ceballos. Si Ceballos, pinakaunang magsasakang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang ng rehimeng Duterte, ay pinatay noong Enero 20, 2017.
Ang kampuhan ay bahagi rin ng paggunita ng mga grupo sa anibersaryo ng Mendiola Massacre sa Enero 22. Nasawi sa masaker ang 13 magsasaka noong Enero 22, 1987 sa Mendiola, Manila. Ang 13 magsasaka ay kabilang sa libu-libong nagtungo noon sa Mendiola upang ipanawagan sa dating Pangulong Cory Aquino na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.