Mga Pilipino, kasama sa milyong nagmartsa sa UK para sa Palestine
Umabot sa isang milyong mamamayan ang lumahok sa isang protesta sa London, United Kingdom noong Nobyembre 11 para itulak ang panawagan para sa tigil-putukan at kundenahin ang patuloy na gerang henosidyo ng Israel sa Palestine.
Lumahok ang mga organisasyong Pilipino sa naturang rali, na siyang pinakamalaking pagkilos sa London para sa kilusang Free Palestine mula 2003. Nagsimula ang martsa sa Hyde Park at natapos sa US Embassy.
Sa iba pang bahagi ng UK, lumahok din ang mga Pilipino sa mga isinagawang pagkilos sa Birmingham, Bristol at Scotland.
Sa London, ang delegasyon ng mga Pilipinong sumama sa protesta ay pinangunahan ng Anakbayan-UK. Kasama nilang nagmartsa ang Palestinian Youth Movement, Young Struggle-Europe at mga myembro ng CSRP-UK (Committee to Support the Revolution in the Philippines-UK, komite sa ilalim ng Friends of the Filipino Struggle-Europe).
Ang protesta ay isinagawa kasabay ng paggunita sa Armistice Day, ang araw ng paglagda ng kasunduan sa pagitan ng Allied at Central Powers na siyang nagbunsod ng tigil-putukan sa magkabilang-panig noong Unang Digmaang Pandaigdig.
Isinagawa rin ang protesta bilang reaksyon sa mga kontra-Palestino at kontra-mamamayang mga pahayag nina UK Prime Minister Rishi Sunak at Home Secretary Suella Braverman, na tumawag sa dambuhalang mga protesta bilang mga “hate march” (martsa ng pagkamuhi) at nagsabing “masyadong mabait ang mga pulis” sa mga nagpuprotesta. Dalawang araw matapos ang dambuhalang protesta, sinibak ni Sunak si Braverman.
Inaasahang patuloy at mas dadagundong ang lingguhang protesta sa buong UK hangga’t walang awat ang mga atake at agresyon ng Israel sa Palestine.