Kaso para sipain si Rodrigo Duterte sa pagka-abugado, inihain sa Korte Suprema
Isang reklamong disbarment o pagtatanggal bilang abugado laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte ang isinampa ngayong araw, Enero 17, sa Korte Suprema. Inihain ang kaso ng mga kaanak ng biktima ng kanyang kampanya sa pagpatay at panunupil at mga grupo sa karapatang-tao. Anila, dapat siyang sipain dahil sa paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) at “conduct unbecoming” bilang isang abugado.
“Sinusuportahan namin ang inisyatibang ito bilang bahagi ng mga pagsisikap na papanagutin si Duterte sa kanyang mga paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Kabilang din si Palabay sa 17 naghain ng reklamo laban kay Duterte.
Kasama ni Palabay sina Atty. VJ Topacio, anak ng pinaslang na mag-asawang rebolusyonaryo na sina Eugenia Magpantay at Agaton Topacio, si Liezel Asuncion, asawa ng lider-aktibistang pinatay na si Manny Asuncion, Llore Pasco, ina ng dalawang pinaslang sa “gera kontra droga,” kaanak ng iba pang biktima, mga pari at madre at mga lider ng mga pambansa-demokratikong organisasyon.
Ayon sa mga petisyuner, labis na isinaisantabi ni Duterte ang mga etikal na pamantayan at pag-iral ng batas sa kanyang pag-amin sa publiko na namuno siya sa isang death squad, paghimok ng karahasan at pag-abuso batay sa kasarian, pagtataguyod sa culture of impunity o kultura ng kawalang-pakundangan at pag-uudyok na magsagawa ng ekstra-hudisyal na pamamaslang.
“Naniniwala kaming panahon na para magsalita ang mga biktima. Panahon na para mag-apela sa Korte Suprema na pagtibayin kung paanong dapat gumana ang batas sa Pilipinas, kung paanong dapat magsilbing pananggalang ang batas para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao,” ayon kay Atty. Topacio. Aniya, tugon din ang reklamo sa kamakailang pahayag ni Bise Presidente Sara Dutete na magsisilbi niyang abugado ang kanyang ama sa pagharap sa reklamong impeachment.
Sinabi naman ni Pasco na malinaw sa kanya, noong nasa pagdinig sila ng Quadcom, na nais silang patahimikin at sindakin ni Rodrigo Duterte. Kaya naman hiniling niya sa mga hukom ng Korte Suprema na protektahan ang mga katulad nilang biktima ng kampanya ng pagpaslang at panunupil ng dating pangulo.
Umaasa ang Karapatan at ang mga kaanak ng biktima na pagtutuunan ng sapat na pansin at paglalaanan ng panahon ng Korte Suprema ang kanilang kahingian.