Kasong diskwalipikasyon laban sa Duterte Youth Party-list, pinamamadali
Nagsampa ng apela ngayong araw, Marso 25, sa Commission on Elections (Comelec) ang mga kabataan sa pangunguna ng Kabataan Tayo Ang Pag-asa (KTAP), grupong nagbabantay sa halalan, para kaagad na hatulan ng ahensya ang kasong diskwalipikasyon laban sa Duterte Youth Party-list. Isinampa nila ang “Motion to Resolve” dahil noong 2019 pa inihain sa ahensya ng iba’t ibang mga grupo ang petisyon para sa diskwalipikasyon ng maka-Duterteng partido.
Kasama sa naghain ng apela ang orihinal na mga nagpetisyon tulad ni AR Angcos mula sa Millenials PH, mga kinatawan ng National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, ilang kinatawan ng Sangguniang Kabataan, mga konseho ng mag-aaral at iba pang organisasyon ng kabataan. Kabilang din si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa mga nagpetisyon.
Isinampa ang kasong diskwalipikasyon sa mga batayan ng (1) kawalan ng wastong rehistro bilang partido sa sistemang party-list sa Comelec, (2) kawalan ng pagtupad sa ilan pang ligal na rekisito para kilalanin bilang partido sa naturang sistema, (3) at mga kilos na nagpapakita na hindi nila kinakatawan ang kabataan tulad ng pagsubok na ipasok noong 2019 si dating National Youth Commission (NYC) Chairperson Ronald Cardema, sagadsaring tau-tauhan ni Duterte, na noo’y 34 taong gulang na. Itinakda sa mga alituntunin ng Comelec na ang maaring kumatawan sa kabataan ay yaong may edad 30-pababa lamang.
Nagpahayag ng suporta ang Kabataan Party-list dahil anila ay dapat matagal nang nasarhan ang kaso para pigilan na makaupo at mag-aksaya ng pondo ng bayan ang pekeng partylist. “Napakalinaw na ang sinusulong na adyenda ng Duterte Youth PL ay hindi naman interes ng kabataan kundi ang dinastiyang Duterte mismo,” anang partido.
Kasalukuyang nagsisilbing kinatawan ng Duterte Youth Party-list sa ika-19 na Kongreso ang asawa ni Cardema na si Drixie Mae Cardema. Dati nang napuna ng iba’t ibang mga organisasyon ang mahinang paggampan ni Drixie bilang kinatawan sa Kongreso. Litaw na litaw ang kakaunting mga panukala at madalas na pagliban ng kinatawan sa mahahalagang pulong at pagdinig.
Pinuna rin ng mga grupo ng kabataan ang Duterte Youth Party-list bilang isa sa mga partidong sinusuportahan ng mapanupil na National Task Force-Elcac, ahensyang nagpapatupad sa kampanyang kontra-insurhensya ng gubyerno. Nagsisilbi rin ang partido bilang isa sa mga makinarya ng naturang ahensya para sa malawakang “red-tagging” at paninira sa mga progresibong mambabatas at organisasyon.
“Panawagan sa kabataan na magkaisa at tiyakin ang tunay nating boses sa Kongreso,” ayon sa Kabataan Party-list. Giit ng natatanging partido ng mga kabataan sa Kongreso, hindi dapat hayaan at pahintulutan na gamitin ng mga pulitiko ang sektor para makapasok sa sistemang party-list para sa pansariling interes.
Dagdag pa nila, dapat labanan ang pambabaluktot sa sistemang partylist para matiyak na mabibigyang-boses ang aping Pilipino at hindi ang iilang dinastiya. Sa eleksyong 2025, hindi bababa sa 78 sa 156 party-list na tatakbo ang hawak at kontrolado ng mga pamilya at dinastisya sa pulitika.