Balita

Kasong tangkang pagpaslang na isinampa laban sa tagapagsalita ng CPDF, ibinasura ng korte sa Ifugao

, ,

Ibinasura ng isang korte sa Alfonso Lista, Ifugao ang kasong tangkang pagpaslang na isinampa ng estado laban sa tagapagsalita ng Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF) at konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Simon Naogsan (Ka Filiw), ayon sa ulat ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) noong Marso 7. Inaresto si Naogsan noong Oktubre 21, 2024 sa Barangay 1, Santa Rita sa Bacarra, Ilocos Norte at kumahaharap sa patung-patong na mga kaso.

Inilabas ng korte ang desisyon noong Pebrero 11 kasunod ng pag-amin ng abugado ng gubyerno na walang sapat na ebidensya laban kay Naogsan para ituloy pa ang kaso. Anang prosekyutor, “malalabag ang karapatan ng akusado at maaabuso ang rekurso ng korte kung itutuloy pa ang paglilitis sa kaso.”

Kaugnay nito, nanawagan ang CHRA ang pagbabasura sa gawa-gawang mga kaso laban kay Naogsan sa iba pang mga korte. Anila, dapat magsagawa ng katulad na rebyu ang mga abugado ng gubyerno sa mga kasong ito para tiyakin na ang “mahihina at walang batayang mga kaso ay hindi kinakasangkapan para patagalin ang hindi makatarungang detensyon” ni Naogsan.

“Hindi isang kriminal si Naogsan, isa siyang rebolusyonaryong lider ng mga katutubong mamamayan ng Cordillera, na handang mag-organisa at pakilusin sila para sa panlipunang pagbabago,” pahayag ng CHRA. Dagdag pa ng grupo, ang pag-aresto at patuloy na detensyon ni Naogsan ay labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) dahil nagsisilbi siyang konsultant sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Sa ilalim nito, dapat kinilala ang karapatan ni Naogsan na mabigyang-proteksyon laban sa pag-aresto at iba pang akto ng panggigipit.

Labag din umano ito sa internasyunal na makataong batas laluna’t matanda at dumaranas na ng napakaraming karamdaman at sakit si Naogsan. Mayroon siyang diabetes, hypertension, at chronic kidney disease. Nagpapagaling si Naogsan mula sa pagpapagamot sa ospital nang arestuhin siya ng mga pwersa ng estado.

Samantala, dumalo ang CHRA sa arraignment at pre-trial ni Naogsan para sa mga kasong pagpaslang, bigong pagpaslang, at illegal slight detention sa isang korte sa Bontoc, Mountain province noong Marso 4. Kumahaharap pa si Naogsan sa marami pang katulad na kaso sa ibang mga korte sa rehiyon dahil sa paratang ng pagkakasangkot sa mga armadong aksyon ng Bagong Hukbong Bayan.

“Kaisa kami ng kanyang pamilya sa paggigiit na kaagad siyang palayain,” pahayag ng CHRA. Nanawagan din ang grupo sa gubyerno ng Pilipinas na kilalanin ang kanyang mga karapatan bilang bilanggong pulitikal.

AB: Kasong tangkang pagpaslang na isinampa laban sa tagapagsalita ng CPDF, ibinasura ng korte sa Ifugao