Balita

Kasong "terrorism financing" laban sa 3 manggagawang pangkaunlaran sa Negros, ibinasura ng korte

, ,

Ibinasura ng isang korte sa Iloilo City noong Marso 14 ang kasong “terrorism financing” o paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act (TFPSA) of 2012 laban sa tatlong manggagawang pangkaunlaran mula sa Negros na isinampa ng mga pwersa ng estado. Kinatigan ng korte ang inihain na “motion to quash” nina Federico Salvilla at Perla Pavillar mula sa Paghidaet sa Kauswagan Development, Inc. (PDG) at Dharyl Albañez laban sa kaso.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Negros, pinatunayan ng pagbasura sa kaso ang matagal na nitong paninindigan na walang batayan ang mga kasong isinampa laban sa mga manggagawang pangkaunlaran. Anito, isinasampa ang kaso para “buwagin ang mga kilusang nakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at demokratikong karapatan ng mamamayan.”

Ang PDG Inc ay isang organisasyon sa sentral at timog na bahagi ng Negros Island at nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka at mga mangingisda para sa sustenableng agrikultura at repormang panlipunan. Itinatag ang organisasyon noong dekada 1980.

Noong Enero, inaresto ang tatlong akusado sa Negros Occidental. Si Salavilla ay inaresto ng mga pulis sa bayan ng Pulupandan; si Pavillar sa bayan ng Cauayan; at si Albañez ay “boluntaryong sumuko” habang nagpuproseso ng pyansa para sa pansamantalang kalayaan.

Liban sa tatlo, inakusahan din sina Clarissa Ramos, byuda ng pinaslang na abugado na si Atty. Benjamin Ramos, at si Felipe Levy Gelle. Unang lumutang ang paratang noong Abril 29, 2024 nang puntahan ng mga kinatawan ng Department of Justice (DoJ), kasama ang mga pulis, ang upisina ng PDG Inc at limang inaakusahan nito.

Inihapag ang reklamo ni PMSG Francisco John Dumdumaya, deputized Anti-Money Laundering Council Financial Investigator at kasapi ng Regional Intelligence Division ng PNP Regional Police Office 6. Ibinatay ito sa sinumpaang mga salaysay ng nagpapakilalang “finance and logistics officer at kumander ng “Tahod Ilahas Command ng CPP-NPA” na nag-ooperasyon diumano sa Negros at nagpapakilalang mga kasapi ng lokal na samahan ng mga mangingisda sa Cauyan, Negros Occidental.

Noong Disyembre 3, 2024, matapos ang ilang buwan ay nagsampa ng anim na kasong “terrorism financing” ang DOJ laban sa limang manggagawang pangkaunlaran.

‘Hindi konstitusyunal’

Sa desisyon ng korte, idineklara din nitong “hindi konstitusyunal” ang Section 3(e)(1) ng TFPSA. Nakasaad sa naturang parapo na “ang sinumang tao o entidad na itinalaga at/o tinukoy bilang terorista, o nagpopondo ng terorismo, o isang teroristang organisasyon o grupo sa ilalim ng naaangkop na resolusyon ng United Nations Security Council o ng ibang hurisdiksyon o supranasyonal na hurisdiksyon” ay ituturing na terorista sa Pilipinas.

Ayon kay Atty. Ephraim B. Cortez, presidente ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), ibinatay ito ng korte sa deklarasyon noong Disyembre 2021 ng Korte Suprema sa kasong Calleja vs. Executive Secretary na petisyon laban sa Anti-Terrorism Law. Isinaad dito na hindi konstitusyunal ang “automatic adoption” ng designasyong terorista mula sa dayuhang hurisdiksyon.

“Ang mga kasong [isinampa sa lima] ay nakabatay sa sinasabing mga insidenteng naganap bago ang pagsasabatas sa Anti-Terrorism Law, at bago ang designasyon ng [Anti-Terrorism Council] sa CPP-NPA [bilang mga terorista],” ayon kay Atty. Cortez. Paliwanag niya, sumalalay lamang para sa kaso ang National Task Force-Elcac (na siyang nagbuno sa kaso) at mga taga-usig ng DoJ sa Executive Order na nilabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 na nagtalagang “terorista” sa PKP-BHB batay sa deklarasyon ng dayuhang mga hurisdiksyon.

Kasunod ng desisyon ng korte sa Iloilo City, nagpahayag ng pag-asa si Attorney Cortez na tutularan ng iba pang mga korte sa buong bansa ang halimbawa nito hinggil sa katulad ng mga kaso ng “terrorism financing”. “Sana ay maglabas sila ng katulad na mga desisyon para mapagkaitan ang gubyerno ng isang kasangkapan para patahimikin ang mga tumutuol at labagin ang indibidwal na mga kalayaan,” aniya.

AB: Kasong "terrorism financing" laban sa 3 manggagawang pangkaunlaran sa Negros, ibinasura ng korte