Kasunduan ng mga lokal na ahensya sa tubig sa Prime Water ng mga Villar, pinawalambisa sa Quezon at Bulacan
Naglabas ng resolusyon noong Abril 30 ang konseho ng prubinsya ng Quezon na Resolution No. 24-03 na pormal na nagtatapos ng kasunduan nila sa PrimeWater Infrastructure Corp. (PWIC). Bunga ito ng ilang taon ng malawakang kakulangan ng tubig, patigil-tigil na suplay at tambak na reklamo mula sa mga consessionaires at lokal na ahensya ng gubyerno.
Isinulong ng Quezon Metropolitan Water District (QMWD) ang teminasyon sa kasunduan nito sa PrimeWater matapos mapatunayan sa kanilang imbestigasyon na lumabag ang kumpanya sa mga itinakdang probisyon ng Joint Venture Agreement na nilagdaan noong Hunyo 8, 2018. Ayon sa resolusyon ng QMWD, hindi natugunan ng Primewater ang obligasyon nito alinsunod sa kasunduan at bigo itong tugunan ang lumalalang suliranin sa suplay ng tubig.
Nagpahayag rin ng plano ng pagbawi sa joint venture agreement sa PrimeWater si Daniel Fernando,gubernador ng Bulacan dahil sa palpak na serbisyo nito. Patong-patong na reklamo ang natatanggap ng kanyang upisina kaugnay sa kakulangan ng suplay ng tubig sa mga bayan ng Calumpit, Malolos City, Marilao at San Jose Del Monte City.
Naglabas rin ng resolusyon ang San Jose Del Monte Water Distric (SJDMWD) nitong Abril 3 para tapusin ang kanilang joint venture agreement sa PrimeWater. Matatandaang ilang buwan nang nirereklamo ng mga residente ang di maasahan, kulang at mas madalas ay kawalan ng tubig sa syudad na syang nagpa-obliga sa lokal na ahensya na mamigay ng libreng tubig sa mga barangay.
Naglunsad ng press conference at noise barrage ang mga demokratikong organiasyon at iba’t ibang lokal na samahan sa San Jose Del Monte, Bulacan noong Abril 25 upang kundenahin ang palpak na serbisyo ng PrimeWater sa kanilang syudad.
Ayon kay Alex Castro, bise gubernador ng Bulacan, dapat imbestigahan ng gubyerno lalo na ng senado ang “untouchable” na Primewater, na mistulang hostage na nito ang lokal na gubyerno. “Ano ba ang pananagutan ng PrimeWater sa atin? Para tayong naka-hostage dito, salita tayo ng salita pero parang hindi naman tayo pinakikinggan? Hindi lang ito problema ng Bulacan, sa tingin ko ito ay isang national issue, dapat mangialam dito ang gubyerno”.
Samatala, nanawagan si Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party para sa kagyat na pagsasabatas ng House Bill 10150 o Anti-Privatization of Public Water Systems Act. Aniya “pag wala nang tubig na tumutulo sa gripo dahil sa pribatisasyon, ang mga kababaihan ang naglalakad ng ilang kilometro na may dalang mga balde, ang mga kababaihan ang nag badyet ng tubig para magkasya ang
limitadong suplay ng tubig, ang mg kababaihan ang nagsasakripisyo ng oras at kalusugan. Huwag na tayong maghintay pa na may iba pang komunidad ang maubusan ng tubig bago tayo kumilos.”