Kawalang aksyon ng BFAR laban sa mga dayuhang poacher, binatikos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binatikos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang kawalang aksyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa litaw na litaw na mga kaso ng poaching o walang pahintulot na pangingisda ng dayuhang mga fishing vessel sa teritoryong pandagat ng bansa. Giit ng Pamalakaya, napakahigpit ng BFAR sa pagpapatupad ng batas sa mga lokal na mangingisda pero wala itong ginagawa laban sa dayuhang mga fishing vessel o barkong pangisda.

Ayon sa grupo, nakasaad umano sa Chapter VI, Section 91 ng Amended Fisheries Code o Republic Act 10654, na labag sa batas ang operasyon ng kahit sinong dayuhan, korporasyon o sinuman na mangisda o mag-operasyon sa katubigan ng Pilipinas. Ayon pa sa batas, ang pagpasok pa lamang nila sa teritoryong pandagat ng bansa ay mangangahulugan na kaagad na nangingisda ang mga ito.

“Malupit ang batas sa mga Pilipinong mangingisda na mabilis na inaakusahan ng iligal na pangingisda. Samantala, lantaran ang pandarambong ng China at iba pang mga bansa sa West Philippine Sea pero hindi ito nasasawata ng pamahalaan sa kabila ng umiiral na batas laban sa mga ito,” pahayag ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.

Aniya, mismong BFAR na rin ang nagpatunay na laganap ang paggamit ng cyanide ng China at Vietnam sa Bajo de Masinloc na mabilis na nagresulta sa pagkasira ng bahura at pagkaubos ng mga isda. Sa kabila nito, labis na kwestyunable kung bakit tila walang planong aksyunan ito ng BFAR para panagutin ang mga dayuhang sangkot sa mapaminsalang pangingisda sa karagatan.

“Dapat kundenahin ang makaisang-panig na implementasyon ng mapanupil na batas na ito sa mga Pilipinong mangingisda, habang pinababayaan ang dayuhang mapanirang pangisda sa ating karagatan,” pagdidiin ni Hicap.

Nilalaman din ng batas na mayroong multa ang dayuhang mga poacher na $600,000 hanggang $1,000,000 at karagdagang parusa na anim na buwan hanggang dalawang taon na pagkakakulong.

“Sa lawak ng sinirang bahura ng China at iba pang mga bansa sa West Philippine Sea, malaki na sana ang maaaring makulektang bayad-pinsala sa mga ito, na pwedeng gamitin para tulungan ang mga Pilipinong mangingisdang bagsak ang kabuhayan dahil sa pagkasira ng pangisdaan,” pagtatapos ni Hicap.

Liban sa iligal na pangingisda sa West Philippine Sea, hindi rin maitatanggi ang pagkawasak at epekto sa kabuhayan na idinudulot ng mga operasyon at ehersisyong militar ng mga tropang Amerikano at Pilipino sa naturang karagatan sa ilalim ng hindi pantay na mga tratadong militar. Noong Pebrero 9 lamang, inilunsad nito ang ikatlong Philippine-US Maritime Cooperative Activity (MCA) na nagsagawa ng ilang wargames sa West Philippine Sea at South China Sea.

AB: Kawalang aksyon ng BFAR laban sa mga dayuhang poacher, binatikos