Kilusan kontra reklamasyon, inilunsad sa Cebu

,

Pormal na inilunsad kahapon sa University of the Philippines-Cebu ang Save Cebu Movement, isang kilusan laban sa mapaminsalang mga proyektong reklamasyon sa isla. Binuo ito ng mga grupo ng mangingisda at magsasaka at mga non-government organization (NGO), gayundin ng mga grupong maka-kalikasan, taong-simbahan, akademiko, abugado, kabataan at maliliit na negosyante.

Panawagan nila ang kagyat na pagpapatigil sa mapaminsalang mga proyektong reklamasyon sa isla. Kasabay nilang ipinanawagan ang pagtigil sa komersyal na pagsusunog ng basura o waste incineration.

Isa ang Cebu sa mga islang may pinakamaraming nakaambang proyektong reklamasyon. Mayroon itong 50 proyekto, ayon sa rekord ng Philippine Reclamation Authority. Sampu rito ay aprubado na. Matatagpuan ang mga ito sa baybay ng mga syudad ng Cebu, Mandaue, Talisay, Minglanilla, Naga, Cordova at Lapu-lapu. Sasaklawin ng mga ito ang “municipal waters” na pangisdaan ng maliliit na mangingisda.

Kabilang sa Save Cebu Movement ang mga manggagawa ng mga shipyard sa Consolacion na mawawalan ng trabaho dulot ng reklamasyon sa baybayin sa lugar. Hindi lamang tao ang pipinsalain ng reklamasyon, sisirain din nito ang ekolohiya ng lugar na nagtataglay ng 75 coral species at 51 macro-benthic invertebrates, ayon sa Shipyard Association of Consolacion. Wawasakin ng reklamasyon ang mangrove forest na nagtataglay ng pitong species.

Kalahok din ang maliliit na mangingisda sa Lapu-lapu City na hindi man lamang kinonsulta bago ilatag ang mga proyektong wawasak sa kanilang kabuhayan.

Naroon din ang mga grupo ng maralitang-lunsod bilang pakikiisa sa mga mangingisda, ang Ecowaste Foundation, YACAP at Anakbayan-Cebu at marami pang ibang grupong estudyante.

Ayon sa kinatawan ng maka-kalikasang grupo na Oceana Philippines, tila ang mga reklmasyon ang bagong “farm-to-market roads” na puno ng pangako ng kaunlaran, pero ang totoo’y nagsisilbi lamang sa malalaking negosyo at mapaminsala sa kabuhayan ng mamamayan.

AB: Kilusan kontra reklamasyon, inilunsad sa Cebu