Balita

Kilusang Bayan Kontra Kurakot-Global, itinatag

, ,

Naglunsad ng online press conference ang Migrante International noong Nobyembre 26 upang upisyal na ianunsyo ang pagtatatag ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK)-Global. Ang internasyunal na alyansa na ito ay binubuo ng mga Pilipinong migrante, kababaihan, kabataan, at grupo ng mga taong simbahan mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nagpaliwanag ng konteksto ng binuong alyansa at panawagan ng mga migrante sa press conference sina Father Benjamin Alforque mula sa National Ecumenical Forum for Filipino Concerns Inland Empire, Josefina Pingkian ng Migrante International, Joy Sales ng Malaya Movement USA, Apol Apuntar ng TAMA NA-Canada, Efrel Cabaguio ng Anakbayan Canada, Gary Martinez ng Migrante Europe, Sj Tomas ng Migrante Middle East, Reverend Domingo Barawid ng PCPR Australia, Father Aristelo Miranda ng PCPR Italy at Lai Bisana ng Migrante Hong Kong.

Ayon sa alyansa, ang sapilitang migrasyon ng mga Pilipino sa ibang bansa dulot ng kawalan ng trabaho at serbisyong panlipunan ay isang malinaw na manipestasyon ng sistematikong korapsyon sa Pilipinas. Sa pagpapatakbo sa gubyerno na parang negosyo o sistemang burukrata kapitalismo, inilalako ng gubyerno ang mahihirap na Pilipino sa ibang bansa bilang murang lakas paggawa.

Umaabot sa 8.3% ng Gross Domestic Product ($38.34 bilyon) ay mula sa remitans ng mga migrante para sa taong 2024. Nakagagalit na ang pondo na mula sa pawis at dugo ng mga migrante ay napupunta lamang sa bulsa ng iilan at hindi sa serbisyo at proteksyon ng mga migrante at kanilang pamilya. Ayon sa KBKK-Global, hindi na katanggap-tanggap ang kasalukuyang bulok na sistema.

Nananawagan ang alyansa na papanagutin lahat ng sangkot sa korapsyon at ibasura lahat ng maanomalyang pondo sa budget ng gubyerno tulad ng porkbarrel, intelligence at confidential funds, unprogrammed funds at mga kahalintulad nito. Dapat ding patalsikin pareho si Bongbong Marcos at Sara Duterte at kilalanin at galangin ng estado ang karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag at pagprotesta. Sinusuportahan din ng alyansa ang pagtatag ng National Transition Council.

Bilang bahagi ng Kilusang Bayan kontra Kurakot, maglulunsad din ang alyansa ng pagkilos sa kani-kanilang bansa sa Nobyembre 29 at 30 upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa malawakang korapsyon sa Pilipinas, kasabay ng protestang Baha sa Luneta 2.0 sa Pilipinas.

Nakatakda ang mga pagkilos sa Austalia, Austria, Canada, New Zealand, United Kingdom, Belgium, France, Germandy, Italy, Middle East, Netherlands, US, Hong Kong, Japan, South Korea, at Thailand.

Maglulunsad din ang alyansa ng Zero Remittance Day sa Disyembre 18, o pagtigil ng pagpapadala ng pera ng mga OFW sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas bilang porma ng protesta laban sa korapsyon.

Ayon sa alyansa, tuloy-tuloy ang pagkilos ng mga organisasyon sa ibayong dagat hangga’t walang kurap ang napapanagot at hindi naibabalik ang pondong nanakaw sa taumbayan.

AB: Kilusang Bayan Kontra Kurakot-Global, itinatag